ISPORTS muna tayo mga suki. Siyempre pa, ano pa ba ang ating pag-uusapan kundi ang inaabangang bakbakan nina Pambansang Kamao Manny ‘Pacman” Pacquiao at undefeated Floyd “Money” Mayweather, Jr.
Ito na raw ang pinakamalaking mangyayaring laban sa kasaysayan ng boksing. Pinakamalaki kasi’y sobrang laki ng hahamiging premyo ng dalawang boksingero.
Maghahati ang dalawa, 60-40 (pabor kay Mayweather), base sa kalalabasang benta ng pay-per-view. Bukod sa PPV buys, hati pa rin sila sa benta sa gate at sa kung ano-ano pa ang kikitain na may kaugnayan sa kanilang laban.
Inaasahang aabot ng tatlo hanggang apat na milyon ang PPV buys ng nasabing laban.
Burado ang lahat ng rekord sa boksing. Kaya manalo-matalo, sandamakmak na salapi ang maibubulsa nina Pacman at Floyd.
Pero habang lumalapit na ang araw ng bakbakan, ano itong alingasngas na wala pa raw nailalabas na tiket para sa mga gustong manood ng boksing.
Nagrereklamo na si Top Rank owner, ang promoter ni Manny, dahil mismong siya ay wala pang hawak na tiket. Pati mismo si Pacman ay wala pang tiket para sa kanyang pamilya na manonood nang live sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Ang bali-balita, iniipit ito ng kampo ni Mayweather. Siyempre, denial si Leonard Ellerbe, ang kanang-kamay ni Floyd.
Dahil si Floyd ang nagpo-promote ng laban, siya ang may kontrol ng lahat pati sa tiket. Sinadyang mahalan ang tiket para madismaya ang mga tagahanga ni Pacquiao.
May nagsasabing ubos na raw ang tiket para sa 16,000 mahigit na upuan sa MGM Grand. Nailabas na raw ang mga ito para sa mga piling manonood…na ang pumili ay si Floyd.
Posible raw na binayaran na ni Floyd ang halos lahat ng upuan sa MGM para ibigay sa mga nais lang niya bigyan gaya ng Hollywood stars. Para nga naman pagdating ng araw ng boksing, walang magchi-cheer para kay Manny.
Sa lahat talaga ng bagay ay masyadong magulang itong si Mayweather. Bukod sa takot, halatang malaki ang kanyang pagseselos kay Pacman.
Hindi lang mga Pinoy kundi mga Kano ang gustong magulpi ni Pacman si Mayweather dahil sobra na ito sa yabang. Abangan na lang natin sa Mayo 3. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment