Monday, April 20, 2015

ANO-ANO NA ANG MGA NAGAWA NI KONG. VARGAS

PALAGAY ko’y hindi masamang tanungin si Kongresman Alfred Vargas dahil mula nang manalo siya bilang representante ng Distrito 5 ng Lungsod ng Quezon noong 2013 ay halos wala nang nabalitaan ang mga residente ng nasabing Distrito.

Noong nangangampanya si Vargas ay saksakan ng ingay sa sobrang dami ng ipinangako sa mga botante, pero nang manalo ay unti-unting nanahimik.

Kong. Vargas, ano-ano ba ang mga panukalang batas na ikaw ang pangunahing may-akda na iyong isinulong?

IWASTO AKO KUNG AKO’Y MALI

Sa Aurora Blvd. Quezon City ay mayroong negosyo na ang pangalan ay “ASTROTEL.”

Malapit sa lugar na ito, sa gawing Anonas St., makikita pa ang isang kahawig na negosyo na ang tawag ay “MARIPOSA.”

Ang Astrotel at Mariposa ay mga lugar na pahingahan o tulugan o palipasan ng oras o parausan ng kaligayahan. Sa English, pwedeng motel, hotel o inn.

Ang problema rito ay ‘kapitbahay’ ito ng CITI WORLD COLLEGES at malapit sa ACCESS COLLEGE at TECHNOLOGICAL INSTITUTE OF THE PHILIPPINES. ‘Di kalayuan ay makikita ang NATIONAL COLLEGE OF BUSINESS AND ARTS.

Ang mga nabanggit ko ay pawang mga paaralan na ang mga pangunahing kliyente ay mga mag-aaral na pinaghihirapan ng mga magulang na pag-aralin.

Ang ipinagtataka ko ay bakit naitayo ang ASTROTEL at MARIPOSA malapit sa mga nabanggit na paaralan?

Wala bang masama na magkaroon ng mga negosyong tulad ng ASTROTEL at MARIPOSA na pawang mga bahay-pahingahan, tulugan, palipasan ng oras, o parausan ng kaligayahan katabi o malapit sa mga paaralan?

NAKABUBWISIT ANG DSWD!

Nagkalat ang mga taong kalsada sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region simula nang maupo si Pangulong Aquino III sa Malakanyang noong 2010.

Matapos tawagin ang mga Filipino—sa palagay ko ay kasama ang mga nakatira sa kalsada—na mga “boss” ni Aquino ay walang ginawa ang isa sa mga kagawarang dapat na aktibong kikilos upang maiahon mula sa kahirapan ang napakaraming mahihirap na mga Filipino.

Ang tinutukoy ko ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Kalihim Dinky Soliman mula noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hanggang ngayon, subalit lalo lamang lumalala ang suliranin.

Subukan kaya ni Kalihim Soliman na mag-ikot nang mag-ikot sa Metro Manila upang madiskubre ng dalawa niyang malalabong mga mata ang tinutukoy kong suliranin.

Nakabubwisit ang DSWD!

***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa:  akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

.. Continue: Remate.ph (source)

ANO-ANO NA ANG MGA NAGAWA NI KONG. VARGAS

No comments:

Post a Comment