APRUBADO na ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) “board of directors” ang pagtatayo ng 600 MW Coal-Fired Power Plant ng RP Energy sa Redondo Peninsula ng Subic Bay Freeport.
Ito Ang Totoo: matapos pinal na desisyunan ng Korte Suprema ang ligalidad nito, inaprubahan naman ng SBMA Board ang “power plant” sa botong siyam (9) pabor at isang (1) “abstention” o walang boto, si SBMA Director Philip Camara na hindi nga bumoto ng kontra, hindi rin bumoto ng pabor.
Ang mga kasama ni Camara na dating kumokontra sa proyekto kahit na ineendorso ni Pangulong Benigno Aquino ay bumaligtad ng posisyon matapos lumabas ang desisyon ng Korte Suprema.
P200-milyon ang direktang kikitain ng SBMA kada taon mula sa upa ng RP Energy at may dagdag pang P150M mula sa tinatayang paggamit ng pantalan para nga sa “delivery” ng “coal” na gatong sa planta ng kuryente, kaya bale P350M kada taon ang malinaw na dagdag na kita ng SBMA kapag nag-o-operate na ito.
May pangakong modernong teknolohiya ang RP Energy na anila’y titiyak na hindi magaganap ang kinatatakutang pinsala sa kalikasan.
Ayon naman kay SBMA Chairman Roberto V. Garcia, may probisyon sa kontrata ng RP Energy na kung sakaling makapinsala ito sa kalikasan, may karapatan at kapangyarihan ang SBMA na ipatigil ang operasyon nito.
Ito Ang Totoo: ipinangalandakan noon ni Camara na magre-resign siya bilang director ng SBMA kapag naaprubahan ang “Power Plant” ng RP Energy pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagre-resign.
Kung may natitirang “palabra de honor” o “delicadeza” si Camara, tototohanin niya ang pagre-resign ngayong tiyak na ang pagtatayo ng Coal-Fire Power Plant ng RP Energy sa Redondo Peninsula ng Subic Freeport.
Nag-aambisyon ito na mapalitan niya si Garcia pero kung sa ganito ay wala na siyang isang salita, paano mapagkakatiwalaan si Camara? Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment