LUMUBOG sa pinakamailalim ang satisfaction rating ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Marso 20 – 23 sa 1,200 respondents, pumalo lang sa 48% ang kuntento sa trabaho ng gobyerno, 29% ang hindi kuntento, at 23% ang walang desisyon.
Lumalabas dito na +19 ang net score (% satisfied minus % dissatisfied) ng administrasyon na pumapasok sa klasipikasyong “moderate.”
Mas mababa ito ng 15 puntos sa “good” +34 net score ng gobyernong Aquino sa huling quarter ng 2014, at pinakamababa na mula nang manungkulan si PNoy noong 2010. Ang dating record low ng Aquino administration ay +29 na naitala noong Hunyo 2014.
Iniuugnay naman ng ilang analysts ang pagbagsak ng rating ng administrasyon sa madugong engkwentro sa Mamasapano, na siya ring nagpasadsad sa rating ni PNoy.
Sa pinakahuling survey ng SWS, “good” ang rating ng administrasyon sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at mahihirap, pagtaguyod sa kapakanan ng OFWs, pangangalaga sa kapaligiran, at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.
“Moderate” naman ang rating ng gobyerno sa paghahanda sa epekto ng climate change, pagtatanggol sa teritoryo, pagsasabi ng katotohanan sa taumbayan, pagpapanumbalik ng kapayapaan sa Mindanao at paglikha ng trabaho.
Pero “neutral” na ang rating ng Aquino admin sa paglaban sa krimen, pag-aayos sa mga lugar na nasira sa kaguluhan sa Mindanao, paglaban sa terorismo at kurapsyon, pakikipag-ayos sa Communist at Muslim rebels, at pag-aksyon laban sa pagmahal ng bilihin.
“Poor” naman ang rating ng gobyerno sa pagtitiyak na walang pamilya ang magugutom at pagpawi sa pangambang pananamantala ng mga kumpanya ng langis.
At “very bad” ang rating ng administrasyong Aquino sa pagresolba sa Maguindanao massacre. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment