Tuesday, April 21, 2015

PANGGAGAGO NG MGA POLITIKO SIMULA NA

KAMAKAILAN ay nagpapahinga na tayo at nanood sa telebisyon. Napunta ako sa Channel 11 ng GMA News. Ang programa, ID ni Malou Mangahas. Ang tema, mga kalsada at tulay na ipinangako ng mga politiko – pambansa man o lokal.

Hindi simpleng interes ang nadama ko. Kumukulo ang dugo natin sa oras na iyon.
Imadyin naman, nasa panahon na tayo ng makabagong teknolohiya, puro panggagago pa rin ng mga politiko ang ginagawa sa atin!

Kamakailan ay pinasinayaan ni Pangulong Benigno Aquino III (BSA3) ang isang tulay sa lalawigan ng Isabela sa Norte. Nakatutuwa sana. Nang magsalita siya, kapabayaan daw ng mga nagdaang administrasyon kaya hindi agad nagawa ang tulay.

Doon ko lang kinampihan si BSA3. Kasi naman, napakarami na ang naupo sa MalacaƱan. Napakarami na rin ang mga senador, kongresista, gobernador at mayor na iisa ang pangako. Kaunlaran para sa lahat.

Paano uunlad ang mga nasa malayong lugar na kailangan ang tulay para mapabilis ang pagluwas ng kanilang produkto? Paano uunlad ang isang malayong komunidad kung bako-bako at maputik sa tag-ulan ang kanilang mga kalsada?

Kailan lang, sa GMA 7 din, inilabas ang nakatataas ng dugo na programa. Tungkol ito sa mga mag-aaral at guro na kailangan tumawid sa malapad, malalim at delikadong ilog makapasok lang sa eskwela.

GMA 7 din ang naglabas na sa isang mayaman na lungsod sa Metro Manila, sa sulok nito ay walang tubig at kuryente hanggang sa kasalukuyan.

Maraming lalawigan ang hindi pa nakararanas ng maganda at matibay na kalsada’t tulay. May ilan ang nagkaroon pero inulan lang ng kaunti, tinangay na ng tubig ang semento o aspalto. Balik sa putikan!

Sa totoo, may mga naging mahuhusay tayo na Pangulo. Pero ang mga tauhan at kaalyado nilang politiko ay talo pa ang mga linta sa pagsipsip ng dugo ng bayan at mamamayan. Sila ang kasabwat ng mga tiwali at korap na politiko.

Milyon-milyon ang pondo na nakukuha para sa kanilang isang termino para sa tulay, kalsada o pabahay. Naubos ang pondo. Tatakbo uli. Mananalo muli.

Bagong pondo uli ang hirit sa parehong proyekto. Ang totoo, minana ito ng kanilang mag-anak sa salin-kapangyarihan ng politika sa kanilang mga bayan at lalawigan.

Ngayon, election 2016 na naman. Asahan natin ang muling PANGGAGAGO NG MGA POLITIKO SA ATIN.

Simula na. Sunod-sunod ang pakuha nila sa mga itinuro na proyekto. Malaki na ang naubos pero kailangan pa raw ng pondo sa susunod na termino para matapos na ang mga ito.

Kung hindi nanggagago ang mga politiko, sana wala na tayong liblib na lugar na kalsadang hindi kongkreto o sementado. BALETODO/ED VERZOLA

.. Continue: Remate.ph (source)

PANGGAGAGO NG MGA POLITIKO SIMULA NA

No comments:

Post a Comment