Monday, April 20, 2015

Hairstylist, nakaligtas sa pananambang

MASWERTENG nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang 35-anyos na hairstylist nang tambangan ng isang armadong lalaking sakay ng isang motorsiklo kamakalawa sa Pasay City.

Ginagamot ngayon sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Manly Bohol, ng Molino 1, Bacoor, Cavite, sanhi ng tinamong tama ng bala sa mukha ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng suspek.

Sa inisyal na ulat na natanggap ni Pasay City Police Officer-In-Charge (OIC) S/Supt. Joel B. Doria, alas-11:15 ng gabi ng maganap ang insidente sa Arnaiz St., ng naturang lungsod.

Nauna dito, papatawid umano ang biktima sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na hindi naplakahan sakay ang suspek.

Walang sabi-sabing pinaputukan ng suspek ang biktima pero sa kabuting-palad ay hindi ito napuruhan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek habang agad na isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan ng ilang concerned citizen sa lugar.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na insidente gayundin ang motibo ng pamamaril sa biktima. JAY REYES

.. Continue: Remate.ph (source)

Hairstylist, nakaligtas sa pananambang

No comments:

Post a Comment