MATINDING depresyon ang nakikitang dahilan ng pagpapakamatay ng isang 35-anyos na biyudo nang saksakin nito ang sarili bago nagbigti kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Patay na ng madiskubre ang biktimang si Alex Cagatin, walang trabaho, taga-Bgy. San Pedro, Dapitan, Dipolog City, at nangungupahan sa Block 79, Lot 11, 10th St. cor. 25th St., Villamor Airbase, Pasay City.
Sa isinumiteng ulat kay Pasay City Police Officer-In-Charge (OIC) S/Supt. Joel B. Doria, alas-7 ng gabi ng madiskubreng patay ang biktima sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa nabatid na lugar.
Huli umanong nakitang buhay ang biktima ni Senior Navy 2 Rod Somera, 25, ng Philippine Navy, kung saan inimbita umano niya itong sumama sa kanila sa VAB Market ngunit tumanggi ito at nangatwiran na magpapahinga na lang siya sa kanyang inuupahang kuwarto.
Matapos umanong tumanggi ng biktima ay iniwan na umano siya ni Somera at tumuloy sa lugar na kanilang pupuntahan.
Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi ay muling pinuntahan ni Somera si Cagatin sa inuupahan nitong kuwarto sa naturang lugar, ilang beses niyang kinakatok ang pinto ngunit hindi sumasagot ang biktima.
Pilit na binuksan ni Somera ang pintuan ng kuwarto ng biktima at laking gulat nito dahil tumambad sa kanya ang wala ng buhay na si Cagatin, may saksak sa leeg at nakabigti ng nylon cord.
Dali-daling humingi ng tulong si Somera sa mga opisyal ng Bgy. 183, Zone 20 ng naturang lungsod.
Napag-alaman sa pulisya na namatay ang misis ni Cagatin sa panganganak may anim taon na ang nakararaan.
Simula aniya nang mamatay ang misis nito, lagi ng malungkutin si Cagatin.
Hinala ng pulisya na labis na kalungkutan ang naging dahilan upang magpatiwakal ito.
Sa ngayon, nakalagak ang bangkay ni Cagatin sa Rizal Funeral Home para sumailalim sa awtopsiya. JAY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment