NIRATRAT ng mga hindi nakikilalang armadong kalalakihan ang isang may-ari ng funeral parlor sa Bulacan.
Nagtamo ng 18 tama ng bala ng M-16 Armalite Rifle sa iba’t ibang parte ng katawan at namatay noon din ang biktimang si Luis del Rosario, 57, may-ari ng Loiue funeral parlor, ng Bgy. Sta. Cruz, bayan ng Angat, Bulacan.
Hinihinalang mga hired killers na lulan ng isang sports utility van na walang plaka ang nagtumba sa biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9:25 nitong nakaraang Miyerkules ng umaga sa Tibagan St., Bgy. Kaypombo sa Sta. Maria, Bulacan.
Sa pagsisiyasat ni P03 Lason Taniza, ng Sta. Maria PNP, bago ang insidente ay biglang itinabi ng biktima sa tabi ng kalsada ang kanyang bagong SUV upang tibgnan kung na-flat ang kanyang gulong.
Pero nang makaramdam ito ng panganib, pumasok din agad ang biktima sa kanyang sasakyan para itakas ang sarili sa ipinain na patibong ng mga suspek.
Pero naging mabilis ang mga suspek at nang makalapit sa sasakyan ng biktima ay niratrat agad ang driver’s seat.
Sumakay ang mga suspek sa naghihintay na isa ring SUV na walang plaka.
Narekober sa crime scene ang 18-basyo ng bala ng M-16 rifle, cal. 45 pistol na pag-aari ng biktima at mga personal na gamit nito.
Isa sa sinisilip na motibo ng suspek sa pagpatay ay tunggalian sa negosyo. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment