BAKIT nga ba sa tuwing sasapit na lang ang elecsyon ay doon lumalabas ang siraan o political harassment ng mga kilalang tao na nagbabalak tumakbo o kaya ay may malapit na kamag-anak na tatakbo, katulad nitong si dating Sta. Rosa, Laguna assessor Nelly Gomez na naniniwalang biktima lamang siya ng maruming politika.
At sa halip na magalit, magmukmok at magpaapekto sa mga negatibong isyu na kumakalat laban sa kanilang pamilya ay tumututok na lamang itong si Nelly Gomez sa pagpapatakbo ng I Love Sta. Rosa Foundation, Inc., na itinatag ng kanilang pamilya may mahigit anim na taon na ang nakalilipas.
Kung inyong natatandaan, naging kontrobersiyal ang nagretirong lokal na opisyal ng Sta. Rosa matapos na maagang pagbakasyunin ng Civil Service Commission (CSC) dahil sa diumano’y pagkakaroon nito ng “unliquidated cash advance.”
Ngunit nang kalaunan ay pinabulaanan ito ng Commission on Audit (CoA) na naglabas ng sertipikasyon o clearance na magpapatunay na walang “unliquidated cash advance” si Gng. Gomez.
Ito pa ang isang kagaguhan ng COA. Matapos sirain at suspendihin itong si Gomez ay naglabas ng certification na wala itong unliquidated cash advance. Ano pa ang saysay ng certification kung sira na ‘yung tao? Sana lang isiping mabuti ng COA bago sila magsuspinde ay kailangang sigurado sila na may dapat na panagutan ‘yung kanilang sususpindehin dahil katulad niyan, wala naman palang unliquidated advance itong si Nelly Gomez, tapos sinuspinde siya, eh, ‘di sira na ‘yung tao.
Ay naku mabuti’t mabait lang talaga itong si Nelly Gomez dahil kung naiba-iba pa ‘yan baka inireklamo na niya ‘yang mga taga-CoA na ‘yan, at ngayon ay pinagtutuunan na lang nitong si Gng. Gomez ang pangangasiwa ng itinatag na foundation ng kanilang pamilya at dito na niya itinutuon ang kanyang pansin matapos ang 39 na taon na paglilingkod sa pamahalaang lokal ng Sta. Rosa.
Malinaw raw na politika lamang ang dahilan ng pagkalat ng isyung nabanggit laban sa kanya sapagkat kakandidato ang kanyang anak na si Vice Mayor Arnel DC Gomez sa pagka-alkalde ng lungsod sa darating na halalan sa 2016.
At dahil walang maipukol na isyu laban sa kanyang anak kung kaya siya na lamang ang pinupuntirya ng mga kritiko kahit na wala nang saysay ang ibinabatong mga paratang laban sa kanya.
‘Yan ang pangit na kalakaran ng maruming politika sa ating bansa. Kapag walang maibatong isyu roon sa tatakbong kandidato ay gumagawa ng paraan ang mga kalaban para lang masira ang isang tao. Hayyyyyy, talaga naman! Hindi ba pwedeng tumakbo na lang at lumaban nang malinis sa election?
Sa mahabang panahon na paglilingkod ni Gng. Gomez bilang assessor, walang anomang naging isyu ng katiwalian at korapsyon na naikabit sa kanyang pangalan, sa katunayan, naging instrumento pa siya upang mapalaki ang kita ng lungsod mula sa dalawang milyong piso ay naging dalawang bilyong piso na ito bunsod na rin ng computerization program ng siyudad na siya ang nagpatupad bilang project manager.
Kaya naman sa halip na magpaapekto sa isyu, minabuti na lamang ni Gng. Gomez na tumulong sa mga mamamayan ng Sta. Rosa sa pamamagitan nga ng foundation na itinaguyod ng kanilang pamilya.
Nagtutulong-tulong ang pamilya upang taos-pusong mapaglingkuran ang kanilang mga kababayan na naniniwala ring walang anomang nagawang katiwalian o korapsyon ang ina ng kasalukuyang pangalawang punong-lungsod. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment