YUMUKO sa San Miguel Beermen ang GlobalPort Batang Pier sa katatapos lamang na laban nila, 95-69, sa 40th season ng PBA Philippine Cup na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum ngayong gabi.
Nanguna sa opensa ng Beermen si former PBA MVP Arwind Santos sa kinana nitong 19 puntos, habang may 17 puntos si reigning MVP June Mar Fajardo.
Hindi nakuhang makalamang ng Batang Pier sa kahit anong quarter ng laban kung saan lumobo sa 29 puntos ang lamang ng Beermen ng itarak ni Ronald Tubid ang corner three-pointer, 86-57, sa third canto.
Umiskor lamang ng pitong puntos si Terrence Romeo na nag-average ng 28 pts. sa panalo nila kontra Talk N’ Text Tropang (105-97) Texter habang talo naman sa Alaska Aces (84-87).
Si Mark Isip ang may pinakamalaking puntos sa Batang Pier na 12 puntos, na sinundan nina rookie Stanley Pringle at Keith Jensen na may tig-10 puntos.
Dahil sa pang-apat na sunod na panalo ng Beermen ay nangunguna sila ngayon sa team standing tangan ang 7-1 win-lose slate.
Ani coach Leo Austria, “I think out of our eight games, this is the best we’ve played.”
Ito ang laban ng Beermen na may pinakamalaki silang kalamangan sa pagtatapos ng laro, kung saan magugunitang kamuntikan pa silang masilat ng Barangay Ginebra Kings kung ‘di lang sumablay ang dunk ni Japeth Aguilar.
Susunod na haharapin ng Beermen ang Meralco Bolts sa Biyernes, ganap na alas-7:00 ng gabi.
Samantala, kasalukuyan namang naglalaban ang Rain or Shine E-Painters at NLEX Road Warriors. GILBERT MENDIOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment