MAHALAGA ang sapat na oras para sa paaralan at pamilya.
Hiniling ni Sen. Grace Poe kay Education Sec. Bro. Armin Luistro na tiyaking hindi sobra ang mga takdang-araling iibinibigay sa mag-aaral para hindi maging hadlang sa matatag na relasyon sa kanilang pamilya.
“Lubhang nakalulungkot para sa isang magulang na nagmamadaling umuwi sa kanilang tahanan mula sa trabaho upang magkaroon ng sapat na oras at panahon sa kanilang mga anak ngunit nahahadlangan ito dahil sa dami ng mga asignatura,” aniya.
“Dapat na higit na nakikilala ng mga magulang ang kanilang mga anak at dapat ding matuto naman ang mga bata mula sa kanilang magulang sa kaaya-ayang kapaligiran. Ang isang matatag at buong pamilya ay sandigan ng isang maayos at mapayapang lipunan,” aniya sa 2015 budget hearing ng DepEd.
Sa 2010 Memorandum No. 392 ng DepEd, ipinagbabawal sa mga pampublikong paaralan ang pagbibigay ng takdang-aralin sa mga mag-aaral na gagawin tuwing Sabado’t Linggo.
Layon nito na matiyak na may sapat na panahon at pagkakataon ang mga mag-aaral na makapiling ang kanilang mga magulang gayundin at ma-enjoy ang pagiging bata.
Ipinauubaya naman ng ahensya sa mga pribadong paaralan ang pagdedesisyon sa takdang-aralin.
Isa sa mga adbokasiya ng bagitong solon ang matugunan ang pangangailangan ng mga batang Filipino.
Partikular ang mabigyang-pansin ang isyu ng malnutrisyon sa mga mag-aaral kasabay ng pagsusulong ng malawakang libreng tanghalian para sa mga pampublikong paaralan o ang kanyang Senate Bill No. 79, ‘Sustansya para sa Batang Pilipino Act.’
“Ang ating mga anak ang siyang pinakamahusay na yaman ng ating bansa. Kaya dapat nating tiyakin na sila ay lalaking malusog at nagagabayan ng tama hindi lamang ng pamahalaan kundi ng bawat magulang,” saad pa ni Poe. LINDA BOHOL
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment