HAYOP din ang ugali nitong isang pulis na naka-assign sa Legal Division ng Quezon City Police District sa Kampo Karingal. Para makainom at makapangikil lang ng konting barya ay “nginangatngat” na ang kapwa niya pulis.
Sa impormasyon sa Lily’s Files, si PO2 Niyog ay mahilig daw mang-”blackmail” sa kanyang kasamahang mga pulis na may mga nakabinbin na kaso sa kanilang tanggapan.
Ang ginagawa raw nitong si PO2 Niyog ay pinupuntahan ang pulis na may nakasampang kaso sa kanilang opisina at kapag nakita na ‘yung pulis ay kakausapin at agad sasabihan ng “may kaso ka sa amin, magpainom ka naman para hindi ko iakyat sa itaas ang kaso mo” o kaya ay bigyan mo naman ako ng pang-inom para hindi iakyat ang kaso mo.”
Sinagot daw ng sinabihang pulis itong si PO2 Niyog na “huwag mo akong kokotongan, kung ayaw mong samain sa akin”.
At dahil sa sinabi ng pulis ay gumawa raw itong si PO2 Niyog ng pre-mature na kaso at agad na pinapirmahan sa kanyang boss at agad namang ibinigay sa tanggapan ni QCPD Director P/Chief Supt. Richard Albano for approval.
Napag-alaman na itong si PO2 Niyog ay masama ang loob sa isang pulis na kanyang pinagbibintangang sumunog sa kanyang sasakyan kaya ginawan niya ng moro-moro na reklamo at pinae-explain dahil hindi raw umatend ang pulis sa ginawang exercises kaugnay sa gagawing SONA ng Pangulo.
Sinagot daw ng inaakusahang pulis ang nasabing memo na galing ng Legal Office at naglakip pa ito ng litrato na kasama ang kanyang hepe para patunayan na hindi totoo ang nasabing akusasyon nitong si PO2 Niyog.
Pero wala ring nangyari at dahil siya ang imbestigador na may hawak ng nasabing kaso ay nagpapirma pa rin ito sa kanyang boss at tinuluyan ang pulis.
Wowwwwww, may ganun pala sa QCPD. ‘Yung mangotong ang pulis sa isang sibilyan ay matagal nang gawain pero ang harap-harapang kotongan ng isang pulis ang kanyang kasamahang pulis sa isang command ay parang hindi maganda sa pandinig ng tao.
Okey lang sana kung nasa ibang command ‘yung pulis na nginangatngat niya. Ang kaso, pareho silang nasa QCPD. Nakahihiya.
Tanong ko lang po, QCPD Director Gen. Albano, sir, ilang PO2 Niyog ang mayroon ka sa QCPD?
Kilala ko itong si Gen. Albano, alam kong hindi niya kukunsintihin ang ganitong gawain ng isang pulis at sigurado ako na agad itong aaksyunan at paiimbestigahan ng magiting na Heneral.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036 o 09156588600. LILY’S FILES/Lily Reyes
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment