Friday, December 6, 2013

REPACKING NG FOREIGN RELIEF GOODS IDINEPENSA NG DSWD

_lily reyes TODO depensa raw itong si DSWD Secretary Dinky Soliman sa ginagawa ng kanyang mga tauhan na pagre-repack ng relief goods mula sa foreign donors. Bakit kailangang dumipensa si Sec. Soliman kung wala namang masama sa kanilang ginawang sistema at bakit ngayon lang?


Isang buwan na mula nang manalasa si Yolanda sa Visayas Region ngunit iilang lugar pa lang ang nahatiran ng DSWD ng mga ni-repack na nasabing relief goods. Katwiran ng DSWD, nire-repack ang relief goods para raw masabayan ang mga ito ng ibang produkto tulad ng bigas at delata dahil baka raw maging sobra sa isang pamilya ang bigay ng ibang bansa at hindi pantay na mabigyan ang iba.


Paliwanag pa niya na dapat din daw mabigyan ang ibang mga biktima ng tulad ng mga nakapakete na hygiene kit mula sa bansang Australia. Kailangan daw itong ma-repack muli para malagyan din ng iba pang relief goods at hindi lang puro hygiene kits.


Kailangan din daw nilang matingnan ang dumarating na relief goods para malaman kung ang laman ay mga babasagin, kung ano ang petsa o expiry date ng mga produkto o kung may laman bang bigas.


Wala namang problema kung ganoon talaga ang mangyayari. Ang kaso, nakikita sa litrato sa mga social network na ang bigas na inilalagay o ipinapalit ay mabaho at bulok at ang mga imported na delata ay pinapalitan daw ng mga sardinas at pagkatapos ay ilalagay sa bag na may tatak na DSWD.


Sec. Dinky, sabihin ninyo naman sa mga nagre-repack na huwag naman masyadong garapal, huwag naman ‘kamong palitan lahat ang laman ng bag. Nakahihiya sa mga bansang nagbigay at, higit sa lahat, huwag n’yo namang ilipat ang kanilang mga padalang tulong sa bag ng DSWD.


HOLDAPAN, SNATCHING TALAMAK

19 na araw na lang at Pasko na at habang papalapit ang araw na ito ay dumarami naman ang insidente ng holdapan at snatching sa Metro Manila, lalo na sa mga matataong lugar.


Nakapagtataka lang na parang walang takot ang mga kriminal na ito na gumawa ng ganoong krimen gayong visible naman ang mga nakaunipormeng pulis sa mga lansangan.


Hindi kaya mga bata rin ng mga pulis ang gumagawa nito at ang mga nakaunipormeng law enforcer na nasa paligid ay mga protector nila?

Nagtatanong lang po, PNP chief Director General Alan Purisima.


Ang Divisoria, Quiapo, Monumento at Cubao ay ilan lang sa mga lugar na rampant ang holdapan at snatching gayong nagkalat sa mga lugar na ito ang mga nakaunipormeng kagawad ng PNP.


The post REPACKING NG FOREIGN RELIEF GOODS IDINEPENSA NG DSWD appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



REPACKING NG FOREIGN RELIEF GOODS IDINEPENSA NG DSWD


No comments:

Post a Comment