Monday, April 20, 2015

TODAS KA SA 24 ORAS

NANLALABO ba ang iyong mata, sumasakit ang ulo, gumagaan ang timbang at nawawalan ng malay?

Aba tumawag ka muna sa punerarya…daliii!

Sapagkat sa loob lamang ng 24 oras, eh, dedo ka na.

Kung tatawag ka kasi ng doktor o magpaospital ka, dagdag-gastos lang ‘yan dahil hindi ka naman maililigtas ng mga ito sa kamatayan.

MISTERYOSO

Wala pang nakaaalam kung anong uri ng sakit ang tumatama sa Nigeria na ganito katindi.

18 nang Nigerian ang natotodas at nagkakarambola ang World Health Organization at mga awtoridad sana-sabing bansa sa pag-aaral ukol dito.

Kinukunan ng ihi, dugo at iba pang parte ng katawan ang mga biktima upang malaman ng mga laboratoryo kung may bakterya o virus na sangkot dito.

At upang malaman na rin kung may pupwedeng gamot laban sa misteryosong sakit na ito.

MAS DEADLY SA IBA

Nabanggit na nating hindi ka aabutin ng 24-oras na buhay sa misteryosong sakit na ito.

Malayong mas deadly o nakamamatay o nakatatakot ito kaysa ebola dahil ang huli ay bibigyan ka ng tyansang mabuhay sa loob ng 6-16 araw.

‘Pag nagsuka ka na ng dugo, patay ka na sa ebola.

Ang kinatatakutang SARS naman ay hanggang 20-21 araw ka lang papayagang mabuhay.

Kapag hindi ka na makahinga dahil sa matinding sipon at ubo, magpatahi ka na ng barong na biyak ang likod at ‘yun ang isusuot mo sa iyong pagyao.

Nakatatakot na kalagayan pero may panahon para mapaghandaan ang kamatayan.

Pero sa misteryosong sakit sa Nigeria, parang wala ka nang tyansang gumawa ng paraan para paghandaan ang iyong kamatayan.

Kinapitan ka ngayon, bukas dedo ka na!

ABRIL 13-15

Nadiskubre ang sakit at nagaganap na kamatayan sa silangang bahagi ng Nigeria simula nitong nakaraang Abril 13-15.

Ayon sa WHO at taga-Nigeria, hindi naman ebola ang sakit ng mga namatay.

Pero paspasan ang kanilang ginagawa na pagtutuklas kung anong virus o bacteria mayroon ang sakit.

Kasama ng kanilang mga hakbang laban sa sakit ang pagpigil sa anomang pamamasyal kung saan-saan ng mga miyembro ng pamilya ng mga tinatamaan ng sakit.

At paglilibing nang buong istrikto sa mga namamatay upang hindi makahawa ang mga ito ng iba, gaya ng mga doktor at nars na nag-aasikaso sa mga ito.

PAGING SEC. GARIN

Gusto nating marinig ang boses ni Health Sec. Janette Garin ukol sa sakit na ito.

Hindi kasi imposibleng lilipat sa Pinas ang sakit na ito.

Aba, ang daming Nigerian na pumapasok sa Pinas at lumalabas saka bumabalik. Maraming estudyanteng Nigerian, bukod pa ang mga naninirahan na rito sa pagkakaroon ng mga asawang Pinay.

Pero hindi lang ang mga Nigerian ang dapat na isipin.

May 8,000 overseas Filipino worker sa Nigeria at sila’y pauwi-uwi, pabalik-balik doon.

Paano kung sa pagpunta o pag-uwi ng mga ito, eh, may dala na silang misteryosong sakit?

Ang mga turista ring dumaraan sa Nigeria bago sila tutuloy sa Pinas, paano rin, huh?

KATATAKUTAN

Sa kasagsagan ng pamemeste ng ebola sa mga bansang Sierra Leone, Liberia at Guinea na umabot sa ibang mga bansa sa Amerika at Europa, anak ng tokwa, katakot-takot na takot ang inabot natin.

May mga ospital sa Isabela at Quirino na hindi tumanggap ng OFW ng nagkaroon ng ilang sintomas ng sakit na ito hanggang sa mamatay ito pero sa ibang sakit pala.

Nahintakutan din sa ating mga airport at may mga umayaw na mag-duty sa mga inatasang magmanman sa mga posibleng may dalang sakit.

Marami ring ospital ang nagdeklara na wala silang kakayanan na tumanggap ng may ebola at gamutin ang mga ito.

Ganyan katindi ang reaksyon ng ating mga ospital, doktor at nars sa ebola.

Eh, kung napasok tayo ng misteryosong sakit, ‘di lalong mas matindi ang lilikhain nitong katatakutan sa mahal kong Pinas!

SA MGA KORAP

Mabuti sana kung ang kakapitan lang ng sakit ay ang mga korap, mandarambong at abusado sa gobyerno, kasama na ang mga kriminal na rapist at nagpapalaganap ng droga sa Pinas.

Dapat lang kasi na maubos ang mga ito, kahit na ang 180 kongresman at 20 senador na tumanggap ng insentibo alyas suhol sa impeachment noon ni ex-Chief Justice Renato Corona. At maisama na rin ang mga nanuhol sa mga ito na taga-Palasyo.

Para naman makalaya tayo sa mga malakihang pambubusabos sa atin ng mga Boss.

Ang problema, sila pa ang nakaliligtas sa mga sakit.

Pati ang pag-iral sana ng batas sa bitay ay ginawan nila ng paraan para hindi sila madamay.

Inhuman, un-Christian umano ang parusang bitay at dahil tao sila at hindi hayop at Kristiyano naman sila, hindi sila dapat na mabitay sa kanilang mga krimen.

Huhuhu!

o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

.. Continue: Remate.ph (source)

TODAS KA SA 24 ORAS

No comments:

Post a Comment