GINARANTIYAHAN ng Commission on Elections (Comelec) na hindi mauuwi sa no elections ang pagpapawalang bisa ng Korte Suprema sa kontrata ng Smartmatic.
Nagkakaisang bumoto ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema kontra sa P268 milyong kontrata para isaayos ang 82,000 units ng precinct count optical scan (PCOS) machines, na una nang ginamit sa nakalipas na automated elections.
Wala pa mang kopya ng desisyon ng Supreme Court (SC), na nasa Session Hall sa Baguio, tiniyak na ng Comelec sa pamamagitan ni Spokesperson James Jimenez na susunod sila sa kautusan.
Kailangang masuri anya nang mabuti kung maghahain pa ng apela lalo’t kakain pa ito ng oras gayong nalalapit na ang 2016 presidential elections.
Sa gitna ng mga pangamba ng posibleng no elections o hindi kaya’y pagbabalik ng manual polls, sinabi ni Jimenez: “‘yung no-el po, di mangyayari ‘yun kasi again kung talagang walang-wala na lahat, e puwedeng puwede tayong mag-manual ulit at mapaghandaan natin nang mabilis ‘yun.”
“Pero ‘yung manual, hindi din natin gustong mapunta du’n dahil sa tingin natin marami naman tayong options na puwedeng pasukin para di tayo bumalik ng manual.”
Detalye ni Jimenez, “nung nilabas ‘yung TRO (temporary restraining order) three weeks, four weeks ago, naglatag na tayo ng iba’t ibang options na puwede nating gawin so alam na natin kung ano ‘yung possibilities natin. So we’re finalizing those plans.”
Kabilang rito ang patuloy na bidding process na maaaring magresulta sa pagbili ng 33,000 machines para sa automated polls bukod sa iba pang alternatibo.
Ukol sa ipinatigil na Smartmatic-Comelec refurbishment deal sa mga PCOS machine, naniniwala si Jimenez na maaari pa rin itong ipa-bid.
Gayunpaman, ang sentrong isyu anya ay kung magaling ba ang gagawa lalo’t unang beses pa lang makikita ng magwawaging bidder ang mga makina kung magkataon. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment