TAMA lang ang pagbusisi nang husto ng Kamara at Senado sa panukalang batas na Bangsamoro Basic Law.
Pero ang pagbusisi sana ay hindi hahaluan ng pera-pera.
‘Yun bang === ipagpapalit ang pagbusisi sa pangako ng pagkakaperahang mga proyekto o diretsahang pagtanggap ng malalaking halaga mula sa mga may gustong maipasa ang BBL nang ayon sa original na anyo nito.
Sa ibang salita, mga Bro, ‘yang suhol para mapadali ang pagpasa bilang ganap na batas ang BBL nang hindi pinag-iisipan ay dapat iwasan.
Alalahaning hangga’t maaari ay gusto ng Malakanyang na maaprubahan na sa mga araw na ito ang BBL upang maging pamana umano ng gobyernong Aquino ito sa sambayanan.
PINAGSISIBAK
Ayon sa ilang lider ng Kamara, pinagsisibak nila ang tadhana ng BBL na magkaroon ang Moro Islamic Liberation Front ng sariling Commission on Elections, Office of the Ombudsman, Civil Service Commission, Commission on Audit at Commission on Human Rigts.
Sinibak din umano nila ang tadhana ng BBL na magkaroon ng sariling militar at pulisya ang MILF.
Sabi nila, hindi kasi basta pupwedeng pakialaman ng pambansang pamahalaan ang mga komisyon na ito, kasama na ang mga militar at pulisya na “hahawakan ng MILF.”
Ang isang mahalagang usapin dito, paano ang mga hindi taga-MILF na sasakupin ng BBL?
PNP CHIEF ITSAPWERA
Pagdating naman sa militar at pulisya, lalo na sa pulisya, ang Chief Minister ang hahawak sa operasyon bagama’t ang kontrol na administratibo ay sa National Police Commission.
Ibig-sabihin nito, mawawalan ng kapangyarihan ang Philippine National Police Chief sa mga pulis ng MILF na tiyak namang manggagaling sa mga pwersa ngayon ng nasabing organisasyon.
Kaya naman sinibak ang bahaging ito ng BBL liderato ng Kamara.
Ang tanong: Hanggang saan ang tibay ng mga kongresman sa paninindigan ng mga ito sa harap ng pagpipilit ng Malakanyang na ipasa na ang BBL sa pinakamadaling panahon?
GOV’T SA LOOB NG GOBYERNO
Sa Senado naman, may mga senador na nagsasabing lumilikha ang BBL ng substate o gobyerno sa loob ng gobyerno.
Kumpleto umano ng sangkap ang BBL para sa pagtatayo ng isang gobyerno gaya ng pagkakaroon nito ng sariling teritoryo, sariling gobyerno, sariling taong nasasakupan at sariling pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at kabilang na rito ang kalakhang Pilipinas?
Katwiran ng mga senador, ang naganap sa Mamasapano ang palatandaan ng pagturing ng MILF ng kanilang pagsasarili.
Akalain ba naman natin kasi na kaya binira ng MILF ang mga pulis na Special Action Force ay dahil sa hindi nagpaalam o nakipag-coordinate ang mga ito.
DISARMA
Kabilang sa mga mahahalagang usapin sa mga araw na ito ang kondisyon sa pirmahan sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Sa pagkakaalam natin, mga Bro, susunod na ang pagdidisarma ng pwersang MILF sa natapos nang pirmahan sa CAB.
Subalit, palipas nang palipas ang mga araw, eh, kahit isang bala at baril ay walang isinusuko ang MILF.
Ngayon ay sinasabi ng MILF na kung hindi maaaprubahan nang walang labis at walang kulang ang BBL, mananatili silang rebolusyonaryo.
Malinaw na walang magsusuko ng armas na MILF at bilang rebolusyonaryo na turing sa sarili, maaaring maulit nang maulit ang ginawa nila sa Mamasapano.
Walang sinomang papasok na ibang pwersa sa itinuturing nilang teritoryo hangga’t hindi nagpapaalam.
At sa katunayan, malinaw ang posisyon ng MILF na hindi nila tatanggapin ang anomang bersyon ng BBL na kaiba sa pinirmahan nilang panukalang anyo nito. At kung magkaroon ng pagbabago sa BBL, giyera ang nag-aantay, makikipaggiyera ang MILF?
MAHINA ANG GOBYERNO
Ayon sa mga maituturing na eksperto sa Konstitusyon at batas natin, nakapagtataka umano na isinusuko mismo ng ating pamahalaan ang sarili sa kagustuhan ng MILF.
Yumuyukod ito sa MILF sa ibang salita.
Kahit pa labag na sa Konstitusyon ang maraming nilalaman ng BBL. At tila nagpapakita ito ng takot sa babala ng MILF na hindi nila tatanggapin ang anomang pagbabago sa panukalang BBL at maghanda na sa ibubunga nito.
May mga eksperto rin namang kumakampi sa BBL sa pagsasabing kailangang baguhin mismo ang Konstitusyon para maiakma ito sa BBL na papatakbuhin ng minorya gaya ng MILF.
Pero lumalabas na sa kabuuan na nagpapakita ng kahinaan at kawalan ng katatagan ang mismong gobyerno.
KAPAYAPAAN
Sa dulo ng usapin ay ang nais nating lahat na kapayapaan.
Nababalot ito ng malaking katanungan dahil inaamin mismo ng mga pro-BBL na hindi kasagutan ang BBL sa malawak na kaguluhan sa Mindanao.
Mayroong dapat na gawin upang makamit ito ng tunay at malawakan at hindi sa BBL matatagpuan ang kasagutan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
No comments:
Post a Comment