TIYAK na uusok sa Caloocan City sa tindi ng magiging bakbakan para sa trono ng Ama ng Lungsod sa darating na 2016 Elections.
Sa pagkakataong ito ay mismong mga ama ang magsasalpukan, hindi tulad noong 2013 Elections kung saan ama kontra sa anak ang naging labanan pero ang resulta – parehong anak ang mga talunan.
Nabanggaan noon ang anak ni Recom Echiverri na si RJ Echiverri laban kay noo’y Congressman Oca Malapitan para sa trono ng City Mayor. Talunan ang anak na si RJ kaya Mayor ngayon si Honorable Oca.
Nagsalpukan naman ang noo’y Mayor na si Recom Echiverri laban sa anak ni Malapitan na si Along Malapitan para sa trono ng 1st District Congressman. Talunan ang anak na si Along kaya Congressman ngayon si Honorable Recom.
Sa loob ng siyam na taon ni Recom bilang Ama ng Lungsod ay marami itong proyekto sa lungsod lalo na sa usapin ng mga kalsada at gusali. ‘Yun nga lang, marami rin kinasangkutan na kontrobersiya.
In fairness naman kay Mayor Oca, sa loob lamang ng dalawang taon pa lang nito sa kanyang trono ay marami na rin itong naging proyekto tulad ng sangkaterbang pailaw sa mga madidilim na kalsada.
Pero gaya rin ni Recom, may mga kinasangkutan na rin itong kontrobersiya sa loob lamang ng dalawang taon. Ganyan talaga siguro dahil hindi nawawala ang mga kamag-anak ni Hudas.
Madalas naman kasi kaya lumilitaw ang mga kontrobersiya kahit gumagawa ka ng tama o maganda ay dahil na rin sa mga hudas mula sa loob ng iyong partido. Madalas ay dulot ito ng inggit sa katawan.
Sa mga panahon na ito ay ramdam ng mga taga-Caloocan City ang mga proyekto ni Oca pero bagaman limitado ang pondo sa Kongreso ay ramdam din ang mga proyekto ni Recom.
Ang tiyak lamang sa magiging bakbakan na ito ay mayroong isang magwawagi habang ang isa naman ay magpapaalam pagkatapos ng bilangan ng boto sa 2016 elections.
Ewan ko lamang kung ‘yung isang politiko kung papasok pa sa eksena sa darating na halalan. Pero walang bilang iyon! Dalawa lang ang magtutuos – Recom at Oca.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
No comments:
Post a Comment