Tuesday, November 26, 2013

June Keithley, pumanaw na

Ni Crispina Martinez –Belen


PUMANAW na si June Keithley nitong nakaraang Linggo, 6:45 PM.


Gumanap ng malaking papel sa Edsa People Power Revolution, si Ms. June Keithley (Mrs. Angelo Castro sa tunay na buhay) ay ang orihinal na “Multi-Media Queen.” Pero kahit naging bukambibig siya sa mga tahanan sa pamamagitan ng mga nai-host niyang palabas sa telebisyon, si June Keithley–Castro ay nagsimula sa teatro, gaya ng naaalala ng kanyang kasabayan na si Maan Hontiveros sa mga panayam tungkol sa huli. Pareho sila naging talent ng Repertory Philippines.



Ipinamalas ni Keithley–Castro ang kanyang sopranong boses sa The Sound of Music, nang gumanap siya bilang Maria Von Trapp sa St. Paul College-Manila production ng well-loved musical noong siya ay 19 na taong gulang. Ang musical ay idinirehe ni Fr. James Reuters (SLN).


Nagpatuloy siya sa pag-host sa ilan sa mga pambatang palabas gaya ng Lollipop Party, The Children’s Hour, bago siya sumabak sa society talk show na June and Johnny kasama si Johnny Litton. Sinorpresa ni Keithley–Catro ang kanyang mga tagahanga nang ipakita niya na kaya rin niyang umarte, na nasaksihan sa pelikulang Lunes, Martes… ng National Artist na si Lino Brocka (SLN).


Maisusulat at aangkinin ng kasaysayan si June Keithley–Castro sa naging konteibusyon niya sa pagsisimula ng Edsa People Power Revolution. Nakilala siya sa kanyang matapang na pamamahayag — sa tatak ng matinis na boses ng babae – ng mga detalyadong anomalya (kumpara sa generalized reports ng mga lalaking counterpart broadcasters) sa Snap Elections na ipinatawag ni President Ferdinand Edralin Marcos.


Naging matapang siya sa pagharap sa kanyang laban sa Big C (breast cancer) gaya ng kanyang asawa na namatay sa lung cancer ilang taon na ang nakararaan. Madaling mawalan ng pag-asa at tiwala sa Diyos sa harap ng labang ito ngunit hanggang sa huling sandali ay larawan ng katatagan at pananampalataya si June Keithley.


Sa mga panahong nawawalan na siya ng tiwala sa Diyos, ay ibinalik ito sa kanya ng anak na si Diego. Sampung taong gulang lamang si Diego nang mapiling mamuno sa mga panalangin sa Quirino Grandstand para sa consecration ng bansa sa Blessesd Virgin Mary. Hiniling sa kanya ni Diego na samahan niya ito at pumayag matapos ang paulit-ulit na pamimilit ng anak. Nang gabing iyon, muling nabuhay ang kanyang pananampaltaya at nagbigay-daan ito para sumama siya sa maraming religious pilgrimage. Muling nabuhay ang kanyang pananampalataya at sabi ng ilan ay lubha siyang naging fanatic.


Nang ideklara ni Pangulong Marcos ang pagdaraos ng snap elections noong 1986, inialok ni June ang kanyang serbisyo kay Fr. James Reuters na itinalaga siya na mag-broadcast sa Radio Veritas. Pero hindi siya nagtagal dahil hindi nagustuhan ng management ang kanyang matapang na pamamahayag. Kalaunan ay lumapit siya sa DZRH ngunit hindi siya tinanggap. Sa kasagsagan ng EDSA People Power I, ang matinis na boses niya ay umalingawngaw sa DZRJ sa ilalim ng Radyo Bandido. Ito ang simula ng kanyang 14-oras na makasaysyaang broadcast mula sa hindi ipinababatid na lokasyon at nanawagan sa mga tao na magsitungo sa EDSA.


Bilang pagkilala sa heroic contribution ni June Keithley sa EDSA People Power Revolution, pinagkalooban siya ni Pangulong Benigno S. Aquino, ng EDSA People Power Commission, at ng The Spirit of EDSA Foundation ng plaque of recognition at Spirit of EDSA Award noong 27th year commemorations ng EDSA People Power Revolution.


Ang mga labi niya ay nakaburol sa St. Ignatius Church sa loob ng Camp Aguinaldo.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



June Keithley, pumanaw na


No comments:

Post a Comment