Sunday, November 24, 2013

Bohol, Zambo City, maghahalal ng barangay officials

Ni Mary Ann Santiago


Handang-handa na ang Commission on Elections (Comelec) sa idaraos na special barangay elections sa Bohol at sa Zamboanga City ngayong Lunes, Nobyembre 25.


Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., handang-handa na ang lahat ng kakailanganin para sa halalan, tulad ng mga election paraphernalia, polling precinct, gayundin ang mga guro na magsisilbing election staff.



Sinabi ni Brillantes na simula pa noong Sabado ay nagpakalat na ng daan-daang pulis ang Philippine National Police (PNP) para matiyak na magiging maayos at payapa ang special elections.


Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sina Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph ang mangangasiwa ng special barangay polls sa Bohol, habang si Brillantes naman at sina Commissioners Al Parreno at Grace Padaca ang tututok sa Zamboanga City.


Samantala, sinabi ni Brillantes na inaprubahan ng Comelec ang pagtatayo ng mga makeshift polling center para sa mga lugar sa Bohol na nawasak ng lindol ang mga paaralan.


Dahil naapektuhan din ng lindol ang linya ng mga kuryente sa lalawigan, naghanda rin ang Comelec ng mga lampara na gagamitin sa gabi para sa pagbibilang ng boto.


Ipinaliwanag ni Brillantes na walang magiging problema sa botohan dahil umaga naman ito gagawin, ngunit mahihirapan umano pagdating sa canvassing ng mga boto sa gabi.


Isinagawa sa buong bansa noong Oktubre 28, ipinagpaliban ng Comelec ang barangay elections sa Bohol, na may 799,089 botante, makaraang mapinsala ng magnitude 7.2 na lindol ang malaking bahagi ng lalawigan noong Oktubre 15.


Hindi rin natuloy ang eleksiyon sa Zamboanga City kasunod ng 23-araw na paglalaban ng militar at Moro National Liberation Front (MNLF) sa lungsod. May 412,661 botante sa siyudad.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Bohol, Zambo City, maghahalal ng barangay officials


No comments:

Post a Comment