Kaugnay ng pagkumpirma ng Department of Health sa kaso ng Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus (MERS-CoV) sa bansa, naglabas ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng bagong polisiya na naglalayong ipatupad ang benefit package para sa lahat ng kumpirmadong kaso ng MERS-CoV.
Ang lahat ng miyembro ng PhilHealth, health worker man o hindi, at maging ang mga hindi pa miyembro na idineklarang positibo sa MERS-CoV ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ay maaaring magkamit ng benepisyo sa alinmang ospital na accredited nito na may pasilidad at kakayahan na mamahala ng nasabing sakit.
Kung ang pasyente ay isang health worker, maaari siyang magkamit ng subsidiya na aabot sa P100,000.00, samantalang P50,000.00 naman ang maaaring makamit ng non-health worker.
Ang mga health worker ay mga empleyado o institutional worker ng isang pasilidad pangkalusugan na nasa bansa o ibang bansa na nangalaga o nagkaroon ng malapitang pakikitungo sa pasyenteng may MERS-CoV at maaaring nakakuha ng impeksiyon habang nagtatrabaho.
Kasama rin sa pakete ang benepisyo para sa kuwarto sa ospital sa halagang P1,500 bawa’t araw hanggang P10,000; bayad sa doktor mula P1,000 bawa’t araw hanggang P15,000 para sa non-health worker, at hanggang P30,000 naman para sa mga health worker.
Bukod pa rito, sagot din ng PhilHealth ang mga gamot, pagsusuri, personal protective equipment, at ambulansya hanggang P25,000 para sa non-health worker, at hanggang P60,000 naman para sa health worker para sa parehong mga benepisyo.
Ayon kay Alexander A. Padilla, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth, ang mga hindi miyembro ng PhilHealth ay kailangang magsumite ng PhilHealth Member Registration Form sa ospital upang malaman kung maaari silang maitala sa ilalim ng point-of-care program ng PhilHealth.
Sakop din ng nasabing polisiya ang Walang Dagdag Bayad o No Balance Billing kung magsasadya ang mga sponsored at indigent program members ng PhilHealth.
“Nais ng PhilHealth na madama at maranasan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kapus-palad ang tunay na kahulugan ng financial risk protection, kung kaya’t isinasakatuparan natin ang Walang Dagdag Bayad sa paketeng ito,” ani Padilla. Ang benepisyo para sa MERS-CoV ay makakamit sa lahat ng naospital magmula noong ika-isa ng Enero 2015.
No comments:
Post a Comment