Monday, April 20, 2015

KORAPSYON SA HUDIKATURA

NOONG nakaraang linggo ay nabulabog ang bansa sa paratang ni Sen. Antonio Trillanes IV na nagbayad umano ang kampo ni Makati Mayor Junjun Binay ng aabot sa P50-milyon para makakuha ng temporary restraining order at maging ng preliminary injunction mula sa Court of Appeals.

Ito’y may kaugnayan sa usapin ng anim na buwang suspensyon na una nang ipinataw ng Ombudsman laban kay Binay kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Makati Parking Building.

Ipinatupad naman ni Interior Sec. Mar Roxas ang kautusan at agad na itinalaga ang kapartidong si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña bilang pansamantalang kapalit ni Binay.

Naging magulo ang sitwasyon nang hindi pumayag si Binay na bumaba sa puwesto hanggang sa tuluyan na nga siyang makakuha ng TRO sa CA, ilang oras matapos makapanumpa si Peña.

Pero umeksena si Trillanes sa pagsasabing nabayaran sina CA 6th Division Justices Associate Justices Jose Reyes at Francisco Acosta at ang gumitna pa nga raw ay si Atty. Pancho Villaraza.

Bagama’t wala siyang hawak na ebidensya, pinanindigan ni Trillanes ang bintang sa pagsasabing may mga testigo siya at nanawagan pa nang imbestigasyon sa Senado.

At hindi rin naman nagpahuli ang Kamara at isang imbestigasyon din ang ikinakasa ng justice committee para anila ay matuldukan ang korapsyon sa hudikatura.

Pinag-iinitan din muli ng mga kongresista ang judiciary development fund na kung tawagin nila ay pork barrel ng Supreme Court sapagkat maaari nila itong gastusin sa paraan na gusto nila na hindi pupwedeng kuwestyunin ng Kongreso.

Gusto ring kumpirmahin ng mga mambabatas ang matagal ng alingasngas na talamak na bentahan at bilihan ng kaso at maging ng TRO sa lahat ng antas ng hudikatura.

Panahon na talaga para linisin ang hudikatura mula sa lahat ng uri ng korapsyon at magsagawa ng kinakailangang reporma para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa ating justice system.

Ang isa kasi sa mga dahilan kung bakit napakataas ng antas ng kriminalidad sa bansa, maliban sa kabiguan ng mga pulis na magpatupad ng batas, ay ang paniniwala ng mga kriminal na mababayaran naman ang mga huwes na hahawak ng kanilang kaso.

Sana nga ay maging totohanan na ang mga imbestigasyon hinggil sa katiwalian sa hudikatura at hindi ito gagamitin para magpapogi lang ang mga politiko. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO

.. Continue: Remate.ph (source)

KORAPSYON SA HUDIKATURA

No comments:

Post a Comment