DAHIL bumilis ang pagkilos, mapapaaga ang pag-landfall ng bagyong Chedeng ngayong Linggo ng madaling araw sa katimugang bahagi ng Isabela.
Sa severe weather bulletin number 8 kaninang umaga (Abril 4) ng Phillippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), mapapaaga ang pagdating ng sentro ng bagyo dahil bumilis ito sa 22 kilometro kada oras (kph) mula sa dating 19 kph.
Tinatayang dakong 4 a.m. ang pagtama ng sentro o mata ng bagyo sa may Southern Isabela.
Binigyan-diin naman ng PAGASA weather division chief na si Dr. Esperanza Cayanan na dapat na Sabado pa lamang ng gabi ay maghanda na ang mga residente sa pagtama ng bagyo.
Ito’y dahil sa lawak ng dayametro na umabot sa 450 kilometers ay mararamdaman na nila ang bagyo mamayang gabi bago pa man dumaan ang mata ni Chedeng.
Sa ngayon, hindi nagbago ang lakas ng hangin sa 130 kph malapit sa gitna at merong pagbugso na umaabot naman sa 160 kph.
Alas-11 a.m., ang lokasyon ng mata ng bagyo ay namataan sa layong 430 silangan ng timog-silangan ng Casiguran, Aurora (14.7°N, 125.8°E).
Nadagdagan naman ang mga lugar na isinailalim na sa public storm warning signal no. 2 (61-100kph) na kinabibilangan ng Isabela, Southern Cagayan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Viscaya, Quirino, Aurora at Catanduanes.
Ang mga lugar naman na inilagay sa public storm warning signal no. 1 (winds of 30-60 kph) ay ang mga sumusunod: Cagayan kabilang ang Babuyan Island, Apayao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Quezon, Camarines Norte at Camarines Sur.
Ipinaalala naman ng PAGASA sa mga residente na nasa mabababa at bulubunduking lugar na nasa ilalim ng storm signals na maging alerto sa posibleng flashfloods at landslides.
Ang dalang ulan ay nasa moderate hanggang heavy rains sa loob ng 150 kms radius ng bagyo.
Tinataya rin na ang storm surges sa mga coastal areas ng Aurora, Quezon at Isabela ay hanggang dalawang metro.
Ang bagyo ay inaasahang nasa bisinidad na ng Ilagan City o 50 kms south ng Tuguegarao City bukas ng umaga.
Sa Lunes ng umaga, si “Chedeng” ay nasa 405 kms west northwest ng Laoag City o sa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR). ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment