MAY mga batas na naipasa para sa kapakanan ng ating mga senior citizen, ang pinakaalam nating lahat ay ang mga discount na espesyal na ibinibigay sa kanila kung bibili sila ng mga pagkain at gamot.
Meron pa nga na nagbibigay ng libreng tiket ng sine para sa matatanda.
Maganda ang lahat ng ito. Meron din noon na isang panukala na dapat gawing krimen ang pagpapabaya sa mga matatandang miyembro ng pamilya, hindi ko lang alam kung ano na ang nangyari sa panukalang batas na ito.
Ang ating mga senior citizen ay mahalagang miyembro ng komunidad.
Dahil sa kanilang katandaan ay marami tayong mapupulot na mahahalagang aral mula sa kanila dahil hindi matatawaran ang kanilang maraming karanasan, mayaman ang kanilang kaisipan at malalim ang kanilang imahinasyon.
Dapat lang na alagaan sila ng Estado at gawing utos na huwag silang pabayaan ng kanilang mga kapamilya. Pero alam ko na ang ating mga senior citizen ay ayaw maging pabigat sa mga nakababatang kaanak, mas gugustuhin nila na makatulong pa rin, kumita ng sarili at huwag lamang umasa sa mga mahal sa buhay.
Oo at marami sa kanila ay mahina na, may mga sakit at kailangan na talaga ng pangangalaga pero meron din naman na kahit sa kanilang edad ay may kakayahan pang kumilos at mapakikinabangan pa ng lipunan. At marami sa mga senior citizen na ito ay gusto pa ring magtrabaho at maghanapbuhay.
Ang problema ay wala nang gustong mag-empleyo sa kanila. Wala nang gustong mag-hire sa matatanda. Sa aking palagay, higit sa mga discount sa gamot at pagkain, mas maa-appreciate ng ating mga senior citizen na kahit matatanda na sila ay pwede pa silang mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi pa rin ng aktibong komunidad basta kung kaya pa ng kanilang pangangatawan.
Ito sana ang pag-aralan ng ating pamahalaan, ang mabigyan ng trabaho ng may gusto pang maging productive at ayaw na umasa na lang.
Tatalakayin natin nang mas malalim sa kolum natin ang paksang ito.
Abangan.
Samantala, Manigong Bagong Taon sa lahat.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment