NAAKSYONAN na raw ng Department of Education ang kakulangan sa mga klasrum, subalit ang kakapusan ng paaralan ay patuloy na nagiging suliranin bunsod ng patuloy ding paglago ng populasyon.
Kamakailan, ipinagyabang ng pamahalaan na naglabas ito ng P7.3 billion para sa konstruksyon ng 7,136 klasrum sa may 4,007 pampublikong mga paaralan sa elementarya at hayskul sa buong kapuluan.
Naglabas din umano ang gobyerno ng P1 bilyon para sa repeyr o pagtatayo ng bagong iskul sa mga lugar na nasalanta ng super typhoon Yolanda.
Ngunit kahapon, kasabay ng pagbubukas ng klase, nakita ang matagal nang problema sa mga pampublikong paaralan.
Gaya dati, muling umapaw ang mga nagsipasok na mag-aaral.
Bukod sa problema sa kakapusan sa klasrum, kulang din ang mga guro.
Maraming guro na ang hindi na masaya sa kanilang pagtuturo ‘pagkat umaangal sila sa mababang suweldo.
Hindi nga ba’t nagbabanta ang mga pampublikong guro na kung patuloy na magiging bingi ang gobyerno sa hiling nila na umento sa suweldo, malamang na lumayas na lang sila sa pagtuturo.
Maraming guro na nakaiisip na mangibang bansa na lamang dahil sa maliit na pasahod sa kanila.
Kaysa magturo, may ilang namamasukang domestic helper na lamang sa ibang bayan.
Kapos na kapos talaga ang suweldo ng mga titser kaya kinakapos na rin ang mga tagapagturo sa kabataan.
Bagama’t inaaksyonan ng DepEd ang mga nasabing problema, ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay nanatiling huli sa ilang bansa sa Asya kung kaya ang mga Filipinong mag-aaral ay kulelat, partikular sa kaalaman sa impormasyon maging sa komunikasyon sa teknolohiya.
The post MGA PROBLEMA SA EDUKASYON appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment