NOONG Mayo 16 hanggang Mayo 17, naganap ang bancarera (karera ng banca) riyan sa Barangay Simlong, Batangas City. Kumbaga, ito raw ang highlight ng taon-taon na piyesta sa nasabing barangay.
Dahil ang ‘bancarera’ ay naging bahagi na ng pagdiriwang ng kanilang kapistahan, iba’t ibang grupo ang dumayo para sa nasabing water event.
At sa maraming taon na isinasagawa ito, walang nangyaring kabalbalan. ‘Di raw tulad ngayon na hindi naging maganda ang ending ng ‘bancarera.’
Dahil ayon sa mga inanyayahang competitor, hanggang ngayon ay ‘di pa natatanggap ng mga winner ang kanilang mga premyo.
Mantakin mo ba naman, ang mga nag-participate ay galing pa pala ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Mindoro at may galing pa sa Boracay.
Kung may dapat sisihin sa brohahang ito, aba’y walang iba kundi si Brgy. Simlong Chairman Rudy Mendoza, ayon sa mga galit na participant.
Ang mga competitor ay naglaan ng oras para mapasaya ang mga taga-Barangay Simlong pero ano ang kanilang napala?
Imbes kasi na matanggap ng mga winner ang kanilang premyo mula kay Kap. Mendoza, ang kanilang napala – ayon sa kanila – ay sama ng loob.
At ang hinaing pa nila, aba’y ‘di raw sila inasikaso – as in – pinakain o pinainom man lang ng tubig. Ang sama raw ng kanilang naging karanasan.
Ang sumbong na ito ng mga ‘bancarero’ ay tiyak na mag-iiwan ng negatibong impresyon, ‘di lang kay Kap. Mendoza, kundi rin kay Mayor Eduardo Dimacuha.
Dapat ay makialam si Mayor Dimacuha sa usaping ito sanhi ng reklamo ng mga ‘bancarero’ na nanalo pero ‘di natanggap ang premyo.
Pagpaliwanagin mo, mayor, si Kap. Rudy Mendoza dahil ayon din sa ulat, ang patimpalak pala ng ‘bancarera’ na ‘yan ay ipinanghingi ng premyo sa mga negosyante riyan sa Batangas.
Abangan natin ang aksyon ng butihing alkalde sa naglahong parang bolang papremyo sa mga winner ng nakaraang ‘bancarera’ sa Brgy. Simlong, Batangas City.
The post HIMUTOK NG MGA BANCARERA WINNER appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment