Tuesday, June 3, 2014

DOST AT PAGBABALIK NINA ONDOY AT MILENYO

_benny antiporda INAASAHAN ang malaking posibilidad na pagbabalik ng mga bagyong Milenyo at Ondoy ngayong tag-ulan, ayon sa Department of Science and Technology (DOST) at Philippine Atmospheric, Geographical and Astronomical Administration (PAGASA).


Dumating si Milenyo sa Mega Manila noong 2006 at si Ondoy noong 2009.


Grabe ang dinanas nating kasiraan sa buhay, ari-arian at kinabukasan sa mga bagyong ito.


SI MILENYO


SOBRANG lakas ng hangin na may kasamang malakas na ulan ang natatandaan natin na dala ng bagyong Milenyo.


Umiikot ang hangin sa ibabaw mismo ng mga kalsada at sa paligid ng mga gusali.


Kaya naman, nabuwal ang napakaraming puno, nagkabasag-basag ang maraming salamin sa mga gusali, nadaganan ng mga puno ang mga sasakyan at nagbara ang mga puno sa mga lansangan.


Katakot-takot na matagal na blackout din ang idinulot nito dahil kasama sa mga natumba ang maraming poste ng kuryente at nalagot na mga kawad.


Nagkaroon din na mga nakamamatay na landslide sa ilang lalawigan habang binabayo ni Milenyo ang malaking bahagi ng bansa mula sa kalahati ng Mindanao hanggang kalahati ng Luzon. Nagkaroon din ng malalaki at malalakas na baha.


Suwerte naman tayo at sa araw naganap ang bagyong ito. Kung hindi, baka hindi lang 197 ang patay at P5.9 bilyon na ari-arian ang nasira.


SI ONDOY


SARIWA rin sa ating diwa ang kamatayan at kasiraan sa ari-arian na idinulot ni Ondoy.


Katulad sa nangyari sa Milenyo, suwerte tayo at nananalasa si Ondoy sa araw. Kung hindi, baka hindi rin lang 300 katao ang namatay at P11 bilyon ang ari-ariang nasira.


Tumigil ang Metro Manila at kalapit na mga lalawigan sa loob ng dalawang araw nang manalasa si Ondoy dahil sa pagkalubog sa baha ng mga sasakyan.


Isa pa, milyones na katao ang nawalan ng kita at panggastos dahil sa pagkalubog nila sa baha na pumaralisa ng santambak ng negosyo.


Umabot sa dalawang linggo ang paglalagare natin para maghatid ng relief goods sa mga taong nagutom at nawalan ng pag-asa para mabuhay.


Isa sa mga natatandaan natin na labis ding naapektuhan ng Ondoy ang daming mag-aaral na tumigil sa kanilang pag-aaral dahil nawalan ang kanilang mga magulang ng anomang pagkakitaan at panggastos para sa kanila.


BAWAS KALAMIDAD


AYON sa DOST, gumagawa ito ng mga proyekto o programa para mapaghandaan nang husto ng mga kinauukulan at mamamayan ang pagdating ng mga bagyong katulad nina Milenyo at Ondoy.


Kapag handa ang lahat ilang oras o araw bago dumating muli sina Milenyo at Ondoy, kahit papaano ay mabawasan umano ang mga tiyak na kamatayan, paghihirap at kasiraan sa kapaligiran, ari-arian at hanapbuhay.


Naririyan ang kanilang project Noah (Nationwide Operational Assessment of Hazards) na doon pupuwedeng makita ang mga mapa ng mga lugar na posibleng salantain ng mga kalamidad.


Naririyan din ang MOSES tablet (Mobile System for Emergency Services) na magagamit para sa mga pag-uusap ng mga tao, pagkuha ng mga litrato, pag-text at pagsagap ng mga signal mula sa mga telebisyon na makatutulong kung ano-ano ang mga dapat na gawin.


Naririyan din ang LIDAR (Light Detection and Ranging) ng DOST at University of the Philippines na gagamitin bilang panukat ng mga ulan at posibleng ibubunga nito na baha sa mga lugar na may ulan.


PROBLEMA


MAY napansin lang tayo sa gitna ng kampanya ng DOST laban sa mga bagyo at grabeng kasiraan na idinudulot ng mga ito sa atin.


Disaster mitigation o pagbabawas ng kasiraan ang target ng mga ahensyang ito.


Paano naman ang mga problema na lumilikha ng mga malalakas na bagyo at hindi na mapigilang katakot-takot na pagbaha?


Ipinaliliwanag ng DOST na dati-rati ay may sapat na daluyan ng mga tubig o sumasalo ng mga tubig-ulan.


Pero nasira o lumiit ang lahat ng ito dahil sa paglaganap ng mga tao, kasabay ng pagtatayo ng sari-saring istraktura. Nasarhan o natabunan na ang mga daluyan o imbakan ng tubig, nakalbo pa ang kapaligiran.


Malaki ang naitutulong ng mga puno dahil sila ang sumisipsip sa tubig-ulan.


Sa mga problemang nabanggit, nais nating tanungin kung ano-ano ang mga rekomendasyon ng DOST para sa mga kinauukulan.


LALONG NAKAKALBO


PATULOY ang pagdami ng mga subdibisyon at industrial at commercial zones at iba pa na lumalamon sa mga sakahan at kagubatan.


Kaya naman patuloy ang pagkakalbo ng kapaligiran na dahilan ng paglala ng mga baha. Nagbubunga rin ang mga nasabing subdibisyon at sona ng lalong pagkasira o pagkamatay ng mga daluyan at imbakan ng tubig.


Ano-ano na ang mga mungkahi ng DOST para maging maayos ang pagtatayo ng mga ito at kung pupuwede ay magiging katulong ang mga ito sa pagpapanatili o lalong pagpapaganda sa mga apektadong kapaligiran.


Kung walang pagpupursige ang DOST laban sa mga gawaing mapanira sa kalikasan at ang mag-react lang ang gusto nitong kamtin para mabawasan ang mga kamatayan at kasiraan, hindi kaya nalalagay ang DOST sa kawalan ng silbi bilang ahensya?


Isang tanong: mapursige ba ang DOST para sa reforestation at pagpaalaala sa ibang mga ahensya gaya ng Depts. of Public Works and Highways, Environment and Natural Resources at iba pa na lubhang nakasisira sa kalikasan ang mga proyekto o programa?


Hindi magandang tingnan na mistulang taga-gamot lang ang DOST sa mga dumarating na sakit at hindi ito nakatutulong sa pagsawata ng mga sakit.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post DOST AT PAGBABALIK NINA ONDOY AT MILENYO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



DOST AT PAGBABALIK NINA ONDOY AT MILENYO


No comments:

Post a Comment