ISANG sumbong ang natanggap ko mula sa isang kaibigan at dating kaklase sa off campus course ko sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na si Catherine Sagcal.
Sinabi niya na lubha silang nag-aalala sapagkat mula pa noong isang linggo hanggang kahapon ay hindi na nila makontak at makausap ang kanyang kapatid na si Marife Modrigo, 28, na nagtatrabaho sa Kuwait bilang isang domestic helper.
Base sa kuwento ni Catherine, bago pa man sila mawalan ng kontak sa kanyang kapatid ay ilang beses na itong nagsumbong sa kanila na minamaltrato at hindi rin siya pinasusuweldo ng kanyang mga amo.
At dahil nga sa pagmamalupit ng kanyang mga amo ay gusto na niyang umalis sa kanyang trabaho at umuwi na lang dito sa Pilipinas.
Napag-alaman ko na si Marife ay umalis noon pang October 2013 at ang recruiter niya rito sa bansa ay ang ASEAN Manpower Recruitment Agency na may tanggapan sa F.B. Harrison St., Pasay city.
Noong nakaraang Lunes daw ay nakausap pa si Marife ng kanyang pamilya sa telepono at noon ay sinabi nito na nagpasya siyang pupunta sa Philippine Embassy sa Kuwait para isumbong ang kanyang hindi magandang kalagayan.
Pero ang masakit, simula noon hanggang kahapon ay hindi na nila makontak pa si Marife at hindi rin nila malaman kung nasaan na siya at ano na ang kalagayan nito ngayon.
Tinangka nilang puntahan ang recruitment agency nito para humingi ng tulong, pero laking gulat nila nang malaman nilang ipinasara na ito ng POEA dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas.
Kaya naman lalo silang kinakabahan ngayon hinggil sa kung ano na ang kinasapitan ni Marife lalo pa at hindi man lang nito naibigay ang pangalan at address ng mga amo niya sa Kuwait bago ito nawala.
Dahil dito ay nanawagan sina Catherine sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno kagaya ng DOLE, POEA, OWWA at DFA na sana naman ay matulungan silang matagpuan ang nawawalang kamag-anak nila na si Marife Sagcal.
Maging ako ay personal ding nananawagan sa mga kaukulang ahensiya at maging sa Philippine Embassy sa Kuwait na sana naman ay bigyang pansin nila ang kasong ito ni Marife.
Kumilos naman kayo at huwag kayong magpakaang-kaang lang diyan!
The post DH NAWAWALA SA KUWAIT appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment