Thursday, June 5, 2014

ANG BOSS, AMO…HEPE NA DAKILA

experto PILIPITIN man ang leeg ni Pangulong Noynoy Aquino at kahit pag-almusalin pa natin siya araw-araw ng batikos, hindi niya bibitiwan si Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad.


Ito’y palatandaan na masarap maging boss, amo o hepe itong si PNoy dahil hinding-hindi ka niya iiwan sa hirap man o ginhawa lalo na ngayong nababalot ng mga isyung katiwalaan ang buong bansa.


Noong una ay todo-pako ang ginawa ng kasalukuyang administrasyon sa mga naunang pinaratangan ng pandarambong na kasabwat daw nitong si Janet Napoles.


Iniimbestigahan pa lamang ay tila hinatulan na ang tatlong pinakatanyag na senador gamit ang mga alyas na Pogi, Tanda at Sexy na kabilang sa hanay ng oposisyon.


Pero nang sumabit na ang ilang pangalan sa tribu ni PNoy gaya nitong si Abad ay ipinunto ng Pangulo na maghinay-hinay lamang sa paratang dahil wala pa naman daw matibay na ebidensya.


Tama naman siya!


May nagpahayag pa patungkol sa kredibilidad ni Napoles at nung Benhur Luy na mayroong listahan ng mga pangalan na kasabwat nila sa pandarambong sa kaban ng bayan.


Lumilitaw tuloy na kapag inakusahan nina Napoles at Luy na kasabwat nila ‘yung mga nasa oposisyon ay totoo at korek pero kapag kaalyado ni PNoy na ang pinaratangan tulad ni Abad ay siyempre, HINDI TOTOO…walang katotohanan.


Kaya ang hatol ni PNoy ay malinaw! Hindi sisibakin itong si Abad at wala rin naman balak magbitiw sa kanyang trono itong si Abad na ilang beses nang binalot ng mga intriga ng anomalya.


Si Abad na hindi lamang sa pandarambong nagkaroon ng isyu ay sumalto rin sa batikos ng taumbayan dahil sa usapin nung DAP o Disbursement Acceleration Program.


Umani rin ng batikos ang administrasyon ni PNoy dahil ilang Abad [daw] na kamag-anak ni Abad ang nailagay sa mga sinasabing masustansyang posisyon sa gobyerno.


Pero ang tugon ni Boss, Amo…Hepe! Ano raw masama kung maraming ABAD sa kanyang administrasyon? Hehhee hee… kahanga-hanga ang ating Pangulo!


Nang dahil sa pagiging dakila niyang Boss, Amo…Hepe ay pinili na lamang niyang magmukhang tanga sa taumbayan para lamang ipagtanggol ang kanyang tauhan na si Abad. Bravo!


***

Para sa inyong komento o suhestyon: 09237397381


The post ANG BOSS, AMO…HEPE NA DAKILA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



ANG BOSS, AMO…HEPE NA DAKILA


No comments:

Post a Comment