HINDI po isang halimaw ang papel ni Meg sa isa sa mga bagong teleserye ng ABS-CBN 2 na ipina-press conference nung Huwebes ng gabi. Isa siyang normal na babae na may kondisyon (hindi naman yata isang sakit!) na tinatawag na “hypertrichosis” o hindi normal na pagtubo ng maraming buhok sa katawan.
Sa presscon mismo namin narinig ang term na “hypertrichosis.” Binanggit ‘yon nung isa sa dalawang direktor ng serye. Natuwa naman kami na ang pinagdurusahan ng karakter ni Meg ay may scientific basis at hindi isang pinantasyang kondisyon na gaya nung kay Julia Barretto sa bago ring teleserye ng ABS-CBN na Mira Bella na mula umano sa isang sumpa.
Si JC de Vera nga pala ang leading man ni Moon of Desire, na ang konsepto nga pala ay isang sexy serye kaya nasa cast din nito si Ellen Adarna na ang cinema image ay isang aktres na liberated at walang takot maghubad at mag-frontal (o humarap sa kamera nang hubo’t hubad). Hibang kay JC ang papel ni Ellen, at mukhang silang dalawa ang maraming sizzling scenes.
Actually, para sa mga babaeng mapera, hindi na problema kung mabuhok sila sa maraming bahagi ng katawan nila. Natatanggal na ‘yon sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na waxing at napipigil ang pagtubo muli sa pamamagitan ng laser treatment.
‘Pag nakahubad lang naman yata si Ayla (Meg) nakikita ang mga malagorilya n’yang buhok, kaya kahit na may ganu’n siyang kondisyon, marami pa ring lalaking nahihibang sa kanya, kabilang na yung mga ginagampanan nina JC, Dominic Roque (iba siya kay Dominic Roco!), at Miko Raval. Saka may mga lalaki naman siguro na mahilig sa mga babaeng mabuhok at mabalahibo. At wala naman siguro silang bahid ng kabadingan! Ang mga bading kasi, generally, ang mahilig sa mga lalaking balbon, kesehodang mukhang gorilya na sa kapal ng balahibo ang mga pinagnanasaan nila.
Nasa cast din nga pala ng Moon of Desire sina Precious Lara Quigaman, Carmi Martin, Perla Bautista, Beauty Gonzales (na parang dapat magpalit ng pangalan dahil hindi naman siya kagandahan!), Dawn Jimenez at Franco Daza. Sina EM Reyes (ang napakalamyang mister ni Rita Avila sa tunay na buhay) at Raymund Ocampo. Right after Showtime nga pala ang time slot nito.
* * *
MAGPAKA-HOLLYWOOD nga muna tayo…Sumikat din kaya si Shailene Woodley na kasing sikat ni Jennifer Lawrence?
Si Shailene ang bida sa palabas na ngayon na Divergent na katipo ng Hunger Games na nagpasikat nang husto kay Jennifer sa Hollywood.
Parehong futuristic na action-drama and Divergent at Hunger Games, pero parang mas malaking pelikula at mas magastos ang Divergent, dahil mas marami itong characters na kabataan, at mas impressive ang production design nito.
Divergent is a movie about young people na nagte-training para maging warriors sa panahong ang lahat ng kabataan ay kinukuha ng gobyerno mula sa kanilang mga magulang para i-train sa iba’t ibang larangan na naaayon sa kanilang kakayahan.
Kakaiba (o divergent) ang papel na ginagampanan ni Shailene dahil pinili n’yang sumali sa warrior class gayung puwede siya sa kahit alinman sa limang klasipikasyon (at hindi physical yung apat na uri, kaya hindi mapanganib). Actually, isang extraordinary teen si Tris, ang character na ginagampanan ni Shailene–at nasa itsura n’ya, nasa projection n’ya bilang actress ang isang ekstraordinaryong kabataan.
Matinding action at drama film ang Divergent na ang nagri-release sa bansa ay ang Pioneer Films na siyang distributor ng Hunger Games sa bansa.
Oo nga pala, ang Divergent ay mula rin sa isang sikat na book series for young adults na gaya ng Hunger Games at Twilight.
Dahil sa laki ng gastos sa mga futuristic film, at dahil sa martial arts expertise na kinakailangan, hindi siguro makagagawa ng pelikula na gaya ng Divergent ang mga prodyuser natin. So, dapat panoorin ang Divergent para sa isang kakaibang filmwatching experience.
Oo nga pala, kung ang ganda-ganda at ang sexy-sexy ni Shailene Woodley, ang guwapu-guwapo at seksing-sexy rin ng leading man n’ya na si Theo James. Magaling din siyang umarte.
The post Meg Imperial, magmumukhang gorilya sa Moon of Desire? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment