Tuesday, November 26, 2013

WALANG CHRISTMAS PARTY AT PASAWAY NA MAMBABATAS

KAHIT saang sulok ng mahal kong Pinas, nalalaman ang mga balita ukol sa kanselasyon ng mga Chritmas party, lalo na sa hanay ng mga kompanya at asosasyon ng mga mamamayan.


Sa halip na iraos ang mga ito, ang inaasahan nilang gastos ay iniipon na lang para ibigay sa lahat ng mga biktima ng kalamidad na sanhi ng bagyo, lindol, giyera at iba pa.


Umiiral ang konsensiya ng bayan para sa mga nalulugmok sa buhay sa mga kalamidad na gawa ng kalikasan at tao.


Pero sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, umiiral ang kawalan o labis na kakulangan ng mga ito ng interes na unahing lingapin ang mga mamamayang namamatay, nagugutom, nagkakasakit, nawalan ng silungan at nawalan ng kinabukasan.


Sarili lang nila ang kanilang iniintindi at patampo-tampo pa ang mga hinayupak na ito sa mga huling pangyayari ukol sa kanilang kinikikbakan na mga pondong bayan.


MEDIA GROUPS

Marami nang kompanya o samahan ng mga mamamahayag ang naghatid sa atin ng balita na hindi na lang sila magdaraos ng Chirstmas party.

Kung mayroon man, pinakasimpleng salo-salo lamang.


Walang garbo, walang magdamag na inuman at pamumulutan.


‘Yung iba, ilalaan na lang ang kanilang mga kontribusyon o pondo sa Christmas party bilang kanilang donasyon sa mga nasalanta ng mga kalamidad.


Sinasaluduhan natin ang mga media group na nagpapakita ng pakikiisa sa sinasapit ng milyon-milyon nating mga kapatid na dinadalaw ng mga sakuna.


MONITO AT MONITA

May mga kompanya at asosasyon na magdaraos pa rin ng kanilang mga Christmas party. At karapatan nilang gawin ‘yan, lalo na kung nakaraos-raos naman ang mga ito sa mga nakapaligid na kalamidad.


Kaya nga naririyan pa rin ang mga anyo ng sari-saring pamimigay at pagtanggap ng mga monito at monita.


‘Yun bang === mga regalo para sa isa’t isa.

Sabi nila, pasasalamat na rin sa Panginoong Maykapal ang kanilang paggawa ng party at hindi sila hinatiran ng mga pagsubok bagama’t apektado rin sila ng mga sakuna.


Sa mga kompanya at asosasyon lamang na hindi maisip kung paano magbilang ng salaping kita sa Kapaskuhan, sapat na umano na maramdaman nilang lahat ang pagsapit ng kaarawan ni Lord Jesus.


Good luck sa inyo at sana’y huwag pa rin kayong makalilimot sa tunay na diwa ng Kapaskuhan na kinakailangang lalong ipakita o ipadama sa mga panahon na ito.


MANDURUKOT NA MAMBABATAS

Kaiba naman ang nagaganap sa hanay ng mga nasa matataas na posisyon sa pamahalaan.


Tinatamad na ang mga ito na magtrabaho, palibhasa’y tinapyasan sila ng Supreme Court ng mga maruruming kamay na ginagamit sa pandurukot at panghoholdap sa mga mamamayan.


Pinagbawalan na silang kumorap at dumambong sa Priority Development Assistance Fund, Countrywide Development Fund at Congressional Insertion.


‘Yun bang === bawal na silang magdikta sa kung kanino at kung saan gagastusin ang mga dambuhalang salaping bayan.


Lalong bawal sa kanila ang kumikbak o magnakaw o maglustay ng mga pondong bayan.


Ang mga kongresman at senador ay tila ayaw nang dumalo sa mga sesyon para sana magkaroon ng korum at makagawa sila ng mga madaliang batas para sa mga araw na ito, lalo na para sa mga emergency na pangangailangan ng mga nakalamidad.


GUTOM HINDI INIINTINDI

Hindi iniintindi ang gutom at hirap na dinaranas ng mga nakalamidad.


Kung mayroon man silang balak na maglaan ng pondo para sa mga biktima ng kalamidad, tila para sa susunod na taon na lamang.

Gaya ng ipinakikita nila sa pagbuo at pagpasa ng pambansang badyet para sa susunod na taon.


Hindi nila kasi nararamdaman ang araw-araw na pagkalam ng sikmura at labis na kawalan ng mga nakakalamidad.


Malaki-laki na rin kasi ang naipon nila para sa kanilang mga sarili mula sa mga kikbak nila sa kanilang mga pork barrel.


Bumagyo man o lumindol o magkagiyera, may sapat o sobra na silang laman sa baul at bulsa para makatawid sila sa anomang matagalang gutom at paghihirap.


P900-M TUWID NA DAAN

Sa parte naman ng mga nasa Malakanyang, biglang lumitaw ang mga ulo at buntot ng mga magnanakaw sa nabulgar na P900 milyong Special Allotment Release Order ukol sa mga farm to market road.


Kanya-kanyang hugas ng kamay ang mga taga-Malakanyang nang may magreklamo na mga lokal na opisyal.


Sabi ng mga nasabing opisyal, wala na nga silang natatanggap na pondo, may tumatawag pa sa kanila na mga taga-Malakanyang para humingi ng mga komisyon o iba’t ibang uri ng kikbak.


Peke ang mga pirma, sabi ng mga taga-Malakanyang, lalo na ang mga taga-Department of Budget and Management.

Pero ang nakakikilabot dito, ngayon na nakasentro na sa kamay ng Malakanyang ang paghahakot ng salaping bayan o buwis at paggastos dito at hindi na sa mga mambabatas, may may mga maniobra na, ngayon pa lamang, para dambungin at korapin ang salaping bayan.

Anak ng tokwa talaga!


BANTAYAN SILA

Talaga namang makapal na usok ang P900-milyong SARO at may napakalakas na apoy na pinagmumulan ito.


Ang apoy ay nagmula sa desisyon ng Supreme Court na sa kamay na ng Malakanyang iikot nang iikot ang salaping bayan at hindi na sa mga mambabatas.


Magbantay tayo, mga Bro, sa kaganapang matatagpuan na ang mga abusadong baboy sa Malakanyang.

Karmahin natin sila.


The post WALANG CHRISTMAS PARTY AT PASAWAY NA MAMBABATAS appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



WALANG CHRISTMAS PARTY AT PASAWAY NA MAMBABATAS


No comments:

Post a Comment