Tuesday, November 12, 2013

TMS PA, muling magpapasiklab vs RC Cola

Ni Angie Oredo


Magpapakitang gilas naman ang anim na iba pang koponan, sa pangunguna ng tinanghal na unang kampeon na TMS Philippine Army, sa pagsagupa sa bagong kalahok na RC Cola sa tatlong nakalinyang mga laro sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix 2013 sa Ynares Center sa Pasig City ngayon.



Magtatagpo muna sa ganap na alas-2:00 ng hapon ang kapwa nagpalakas na PLDT Speed Boosters at pumangalawa sa unang komperensiya na Cignal HD Spikers bago sundan ng salpukan ng TMS Lady Troopers kontra sa RC Cola Raiders.


Tampok sa pinakahuling laro sa ganap na alas-6:00 ng gabi ang paghaharap naman ng Maybank, bitbit ang isang manlalaro na mula sa sister company na Malaysia, laban sa Gilligans.


Una nang nagwagi ang Cagayan Rising Suns, pumangatlo sa unang kumperensiya, kontra sa Petron Blaze Spikers habang kinubra din ng PLDT, tampok ang artista na si Richard Gomez, ang unang panalo laban sa Systema Blasters.


Winalis ng Cagayan Rising Suns ang Petron Blaze Spikers sa straight set, 25-20, 25-14 at 25-22 sa women’s bago itinala ng

PLDT MyDSL ang 25-23, 25-23 at 25-22 panalo sa men’s division.


Hangad ng TMS-Army ang ikalawang sunod na korona sa pagpapanatili sa buong komposisyon ng koponan habang idinagdag ang dating Far Eastern University stalwart na si Rachel Anne Daquis. Ang Lady Troopers ay pinalakas pa ng tambalan nina Yuki Murakoshi mula Japan at Thailand national team member na si Winitchaya Luangtonglang.


Hindi makakasama ng Cignal, pumangalawa sa PSL Invitationals, ang kasalukuyang MVP na si Venus Bernal, iniulat na hindi makalalaro dahil sa knee injury, kayat aasa ang kopona sa humaliling sina Jheck Dionela (Cagayan) at Chie Saet (Bingo-Milyonaryo) at rookie na sina Lilet Mabbayad (UST) at Abigail Praca (USJR).


Tangka ng HD Spikers na masungkit ang titulo na lumampas sa kanilang mga kamay sa unang kumperensiya sa pagkadaragdag sa pares ng Chinese imports na sina Xie Lie at Zhanzhan Li.


Nakuha naman ng PLDT ang serbisyo ni two-time V-League MVP Sue Roces, dating national team Nica Guliman, at beteranong setter na si Rubie de Leon, habang napanatili ang mga scorer na sina Angela Benting at Lou Ann Latigay. Idagdag pa ang dating Petron middle blocker na si Charo Soriano at libero ng Bingo na si Sher Peñano.


Makakasama ng Speed Boosters ang setter na si Kaylee Manns at middle/ opposite Savannah Noyes bilang mga import na mula naman sa Estados Unidos.


Palalakasin naman nina Bernice Co ng UST at dating UP Lady Maroons Jed Montero, Southlyn Ramos at Michiko Castañeda ang RC Cola Raiders na gigiyahan ni Ronald Dulay.


Makakasama nito ang mga import na sina Sontaya Keawbundit ng Thailand at Zhang Minghua ng China.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



TMS PA, muling magpapasiklab vs RC Cola


No comments:

Post a Comment