Monday, November 25, 2013

Titans, UST, kapwa nanatiling buhay

Nanatiling buhay ang pag-asa ng University of the Philippines at Titans tungo sa kampeonato matapos patalsikin ang kanilang mga kalaban sa ginaganap na eliminasyon ng PSC Chairman’S Baseball Classic sa makasaysayang Rizal Memorial Baseball diamond.



Pinatalsik ng UST Growling Tigers ang Bulacan State University, 15-2, noong Sabado ng gabi, habang pinataob ng Titans, suportado ng ilang kilalang artista at popular na personahe, ang Bulacan Agricultural State College (BASC), 9-4, upang kapwa umusad sa quarterfinals ng double elimination tournament.


Kinailangan lamang ng Titans, binubuo ng mga manlalaro ng ILLAM, ng pitong inning matapos magtulungan sina Xander Razon at Feroen Riaprid sa pagbantay sa mound tungo sa pagpapalasap sa ikalawang sunod na kabiguan para tuluyan nang mapatalsik ang Bulakeños na mula sa San Ildefonso.


Pumalo si Razon ng 2 hits at 2 RBIs habang may isang RBI si Jeff Rodriguez at isang hit si Bryan Posturnak, isang Canadian na mula sa Vancouver at asawa ng dating aktres na si Ina Raymundo, upang ibigay sa Titans ang una nilang panalo.


Agad nabigo ang Makati-based na Titans sa una nilang laban kontra sa 2012 UAAP champion National University, 1-11, noong nakaraang Linggo.


Humataw ng apat na run ang Titans upang sorpresahin ang kalaban sa tatlo nilang hit na sinimulan ni Razon na may double sa unang inning. Tumulong din sina Pastor Orbong, Gerone Riparip at Leslie Suntay sa Titans na nagpasok pa ng kabuuang limang run sa ikalawa, ikaapat, ikalima at ikaanim upang sementuhin ang panalo.


Tanging nakapagtala ang mga Bulakeños ng isang run sa ikatlong inning at tatlo sa ikaanim upang agad mamaalam sa torneo. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Titans, UST, kapwa nanatiling buhay


No comments:

Post a Comment