Wednesday, November 13, 2013

Team Philippines, mananatili sa PhilSports

Magsasama-sama ang buong delegasyon ng Pilipinas simula sa susunod na Linggo sa PhilSports Arena para sa espesyal na pagsasanay upang paghandaan ang ika-27 edisyon ng Southeast Asian Games sa apat na lugar sa Myanmar sa Disyembre 11 hanggang 22.



Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na pagsasamahin ang kabuuang 202 pambansang atleta na nakuwalipika sa itinakdang criteria ng binuong Philippine Olympic Committee (POC)-Philippine Sports Commission (PSC) Southeast Asian (Sea) Games Task Force para sa preparasyon ng national team.


“It is part of the program being implemented by POC for the preparation of our athletes to the SEA Games. Gusto kasi natin na magkaroon ng camaraderie at unity ang ating mga atleta at magkakila silang lahat. Hindi iyong nagkakasalubong sa international tournament na iisa ang suot tapos hindi magkakakilala,” sinabi ni Garcia.


Ito ang unang pagkakataon na pagsamahin ang pambansang atleta sa iisang bubong. Asam ng Pilipinas na malampasan ang iniuwing 36 ginto, 56 pilak at 77 tansong medalya para sa pangkalahatang ikaanim na puwesto o kabuuang natipon na 169 medalya.


Umabot naman sa kabuuang 280 ang opisyal na listahan ng delegasyon na binubuo ng 202 atleta at 78 opisyal na halos kalahati sa ipinadalang delegasyon noong 2011 sa Jakarta SEA Games na may kabuuang 512 atleta at 140 opisyal.


Ito ay matapos na aprubahan ng POC-PSC SEA Games Task Force ang pagdagdag sa women’s basketball at golf team at tatlong atleta ng wushu na nagawang magwagi ng medalya sa internasyunal na torneo.


Umabot sa 18 atleta, 12 mula sa Discovery Perlas Pilipinas, at tatlo kada grupo sa women’s golf at wushu ang bumuo sa isa sa pinakakaunting bilang ng atleta na ipadadala ng bansa sa SEA Games na isasagawa sa mga lugar ng Naypyidaw, Yangon, Ngwe Saung at Mandalay.


Ang PH women’s basketbgall team na hawak ni Haydee Ong ay binubuo nina Mary Joy Galicia, Joan Grajales, Chovi Borja, Melissa Jacob, Bernadette Mercado, Fria Bernardo, Cindy Resultay, Cassandra Tioseco, Analyn Almazan at Denise Tiu. Tatlong pangalan ang inihahabol ng koponan matapos na balasahin ang koponan.


Ang women’s golf team na inendorso ng National Golf Association of the Philippines ay binubuo ng mga amateur standout na si Princess Mary Superal, nagwagi ng medalyang pilak sa Asian Youth Games, at sina Clare Amelia Legaspi at Katrina Marie Briones.


Ang atleta ng wushu ay kinabibilangan naman nina Daniel Parantac (taijiquan), Evita Elise Zamora ng Davao City (sanda) at Norlence Ardee Catolico (sanda) na mula sa Bacolod. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Team Philippines, mananatili sa PhilSports


No comments:

Post a Comment