Thursday, November 7, 2013

Super typhoon ‘Yolanda’: Panic buying sa Cebu

CEBU CITY – Nagkakaubusan na ang mga tindahan sa siyudad na ito ng sardinas at noodles nang mag-panic buying ang mga residente bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyong “Yolanda” na pinangangambahang tatama sa Visayas ngayong Biyernes.



Simula noong Miyerkules ng gabi, dinagsa ang mga supermarket at iba pang pamilihan ng mga residente nag-iimbak ng mga pagkain, tubig at kandila. Anim na lalawigan na ang isinailalim na sa public storm warning Signal No. 3 habang 35 pang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao ang apektado ng super typhoon na si ‘Yolanda’ na pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) kahapon.


Sa 11:00 am weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa mga lugar na itinaas sa Signal No. 3 ang Eastern Samar, Samar, Southern Leyte, Leyte, Siargao Island at Dinagat province.


Ang mga lugar na nasa Signal No. 2 ay Sorsogon, Masbate, Ticao Island, Northern Samar, Biliran, Bantayan, Camotes Islands, Northern Cebu, Cebu City, Bohol, Surigao Del Norte, Camiguin, Surigao del Sur at Agusan del Norte.


Isinailalim sa Signal No. 1 ang Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Mindoro, Burias Islands, Romblon, Marinduque. Calamian Islands, southern Quezon, Aklan, Capiz, Iloilo, Antique, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, ilang bahagi ng Cebu, Siquijor, Misamis Occidental at Agusan del Sur.


Sinabi ni weather forecaster Jori Loiz ng PAGASA, lalo pang lumakas ang bagyo habang papalapit sa kalupaan kung saan inaasahang hahagupit ngayong Biyernes.


Si ‘Yolanda’ ay huling namataan sa layong 637 kilometro Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.


Aabot sa 215 kilometro bawat oras ang taglay nitong lakas ng hangin at bugsong 250 kilometro kada oras.


Inihayag ng ahensiya na aabot sa 600 kilometro ang lawak ng bagyo kaya maraming lugar ang nasa ilalim ng storm signal. – Ulat nina Mars Mosqueda at Rommel P.

Tabbad


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Super typhoon ‘Yolanda’: Panic buying sa Cebu


No comments:

Post a Comment