Friday, November 22, 2013

Sawa na sa bading role!

KUNG Sabado (November 23) ng umaga n’yo ito binabasa, may pagkakataon kayong panoorin si Nathan Lopez at ang kakambal niya sa tunay na buhay na si Gammy sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ng ABS-CBN 2 mamayang gabi. Kambal na bading ang papel ng magkapatid. ‘Yung isa ay maglaladlad pagkamatay ng kanilang ama at ‘yung isa naman ay mananatiling closet queen.


Natatandaan n’yo naman sigurong si Nathan ‘yung gumanap na batang bading sa award-winning indie film na Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Alam n’yo na rin sigurong ang nasabing pelikula ay kasalukuyang ipinapalabas tuwing weekend sa PETA Theater Center bilang Maxie The Musical. Pero binatang-binata na si Nathan, 22 years old na, kaya ibang bata na ang gumaganap na Maxie sa musical adaptation na likha ni Nick Pichay at idinidirek ni Derek Santos.


Ang gumaganap sa musical ay isang batang umamin na siya ay bading na bading sa tunay na buhay: si Jayvhot Galang. Pero mahusay po siyang kumanta at napakahusay na aktor.


Ayon sa Wikipedia write-up tungkol kay Nathan, hindi raw ito bading sa tunay na buhay. Wala pang Wikipedia entry tungkol kay Gammy. Hindi rin naman siguro siya bading. Actually, nakita na namin siya isang beses, maraming taon na ang nakararaan. Hindi naman siya mukhang bading.

Nasa indie film din pala siya na Pisay, pero hindi namin alam kung sino siya roon.

Parang nata-typecast ang kambal na gumanap na kambal na bading. Nu’ng 2007 pala ay may ginawa silang indie film na ang titulo ay Krisis, directed by a certain Dave Cecilio. Isa sa kanilang dalawa sa nasabing pelikula ang gumanap na bading, bagama’t identical twin din sila sa istorya.


Alam n’yo bang si Nathan ‘yung gumaganap na bading na bestfriend ni Jody Sta. Maria sa Be Careful With My Heart sa ABS-CBN 2? Emman ang pangalan ni Nathan sa istorya.


Sa Sana’y Maulit Muli ng ABS-CBN 2 nu’ng 2007, starring Kim Chiu, bading na bestfriend din ang role ni Nathan.


Well, sana naman ay huling bading role na niya ang sa Be Careful With My Heart at sa MMK mamayang gabi. Sana naman ay mabigyan siya ng pagkakataon na gumanap na maton na hindi bading. O pulis na hindi bading. O teacher na hindi bading. Kahit ano, basta hindi bading!


Oo nga pala, kung type n’yong manood ng Maxie The Musical, alalahanin n’yo lang na hanggang December 8 lang ito ipapalabas sa PETA Theater Center (na nasa Eymard St. sa Quezon City; kumakanto sa E. Rodriguez Avenue ang Eymard, kundi n’yo pa alam, at pwede kayong pumunta ru’n ng naka-jeep lang). May iba na kasing pagtatanghal na nakaiskedyul sa PETA after December 8 kaya hanggang ganung petsa lang ang naibigay na booking sa Bit by Bit Productions na siyang producer ng Maxie The Musical.

Napaka-engrossing ng produksyon na Pinoy na Pinoy at nakabibilib lahat ng performers dito.


The post Sawa na sa bading role! appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Sawa na sa bading role!


No comments:

Post a Comment