Tuesday, November 19, 2013

San Beda-Alabang, kampeon sa WNCAA volleyball

Dinuplika ng San Beda College-Alabang ang tagumpay ng kapatid nitong kolehiyo sa Mendiola matapos na itala ang matinding upset sa nagtatanggol na kampeong Centro Escolar University sa matira-matibay na kampeonato ng WNCAA collegiate volleyball noong Linggo sa Rizal Memorial Stadium.



Hindi pa man naglalaho ang init ng San Beda Red Lions sa pagsungkit ng ikaapat nitong sunod na titulo sa men’s basketball ng ika-89 taon ng NCAA ay maalab din na iniuwi ng SBC Alabang ang una nitong korona matapos ang mahabang panahon sa pagbigo sa CEU sa loob ng apat na set, 16-25, 25-20, 25-21 at 25-17.


“Bago ang laban ay nananalangin ako na sana ay mahawahan ako ng init ng panalo ng Red Lions. Masuwerte naman po at dininig Niya ang aking panalangin,” nasabi lamang ni SBC Alabang coach Ryan Jeorge Sucaldito.


Ang titulo ay una ng SBC Alabang sapul huling magkampeon noong 2009 at unang korona para kay Sucaldito na siya ring volleyball coach ng San Beda sa NCAA na nakatakdang sumagupa sa pagbubukas ng torneo sa ngayong araw.


“Mahirap talaga kapag walang puso sa paglalaro. Kahit bilihin mo pa ay wala din mangyayari,” sabi lamang ni CEU coach Roberto Celso, matapos na mahubaran ng korona ang kanyang koponan. “Wala sa kanilang isip kung ano ang nakataya para sa kanilang sarli at sa inirerepresentang eskuwelahan,” sabi pa nito.


Hindi nakasama ng CEU ang hinirang na Most Valuable Player (MVP) noong nakaraang taon na si Cherry Mae Sto. Tomas kung kaya naiwan lamang kay Cherry Anne Oliver, na tinanghal na Best Attacker ng torneo, ang tsansa ng koponan na ipagtanggol ang korona.


Tinanghal namang Best Server si Porcia Lim ng RTU, Best Receiver si Marie Ella Ugalde ng SBCA, Best Setter si Janne Paolo Colcol ng SBCA, Best Blocker si Jimena Rose Fagara ng SBCA, Best Libero si Maria Melissa Tabangin ng SBCA at Most Valuable Player si Mitchiko Malonzo ng SBCA.


Kasunod ng SBC-Alabang at CEU ang PWU, RTU, UA&P, Mirriam College, SSC, LCCM at ACSL. (Angie Oredo)


.. Continue: Balita.net.ph (source)



San Beda-Alabang, kampeon sa WNCAA volleyball


No comments:

Post a Comment