Monday, November 11, 2013

Purisima: Relief goods, solusyon vs looting

Ni Aaron Recuenco


Nagpadala ng karagdagang tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa Tacloban City upang pangalagaan ang kaayusan at katahimikan matapos maganap ang malawakang pagnanakaw o looting sa mga establisimiyento ng mga desperadong biktima ng bagyong “Yolanda.”



Subalit giit ni PNP chief Director General Alan LM Purisima na hindi kailangang magdeklara ng Martial Law sa Tacloban City dahil gumagawa na ng hakbang ang awtoridad upang tugunan ang mga pangangailangan ng daanlibong biktima.


“There is no need to declare Martial Law because what the people need there is basically food. We should just provide what they need and the government can provide all of these,” sinabi ni Purisima sa panayam sa Camp Crame, Quezon City.


Aniya, handa pa ring makinig ang mga apektadong residente sa awtoridad kung titiyakin ng pamahalaan na sila ay mabibigyan ng relief goods.


Ginawang halimbawa ni Purisima ang mga preso ng Tacloban City jail kung saan nagtangkang tumakas ang ilang sa mga ito subalit nang sila ay mabigyan ng makakain ay sila ay hindi na pupuga sa pasilidad.


Umabot na sa 883 karagdagang police ang dumating na sa Leyte, 639 sa mga ito ay nasa Tacloban City.


Lumutang ang mga panukalang magdeklara ng batas-militar si Pangulong Aquino matapos maiulat ang malawakang pagnanakaw sa Tacloban City.


Base sa video footage ng mga TV news team, hindi lang nilimas ng mga residente ang mga establisimiyento ng mga pagkain ngunit nagkanya-kanyang bitbit din ng appliances, tulad refrigerator at flat-screen television ang mga ito.


Samantala, sinabon din ni Purisima si Chief Supt. Elmer Soria, Eastern Visayas Regional Police Office director, matapos nitong ihayag na posibleng umabot sa 10,000 ang nasawi sa Leyte.


“As police officers and police commanders, we should be factual in our reporting, we should refrain from speculating,” ani Purisima.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Purisima: Relief goods, solusyon vs looting


No comments:

Post a Comment