Thursday, November 14, 2013

PILIPINAS, ISA SA PINAKAMAINAM PAGNEGOSYOHAN


Pumuwesto ang Pilipinas sa ika-108 sa hanay ng 189 bansa, lumundag ng 30 baitang mula sa ika-138 noong 2012, ayon sa World Bank (WB) Report “Doing Business 2014: Understanding Regulations for Small- and Medium-sized Enterprises,” na inilabas noong



Oktubre 29, 2013. Ito ang pinakamalaking lundag ng bansa sa loob ng 11 taon at ang pinakamataas na improvement na ginawa ng isang bansa ngayong taon. Ang tagumpay ng tatlong reporma ng gobyerno – online na pagbabayad ng buwis, pinaigsing dokumentasyon para sa construction permit, at bagong panuntunan para makautang – ang dahilan ng pagbuhos ng mga investor na nadadalian sa pagnenegosyo sa bansa.


Sapagkat nasiyahan sa naturang ulat, sinabi ng Malacañang na nagbubunga na ang mga pagsisikap nito ngunit hindi ibig sabihin na hihinto na ito sa pagsusumikap. Ipagpapatuloy pa rin ng gobyerno ang pagtataguyod ng isang klimang angkop sa pagnenegosyo, pati na ang mga inisyatibang nakatuon sa tuluy-tuloy na kaunlaran.


Nagpamalas ang Pilipinas ng progreso sa ilang araw upang simulan ang isang negosyo, ang haba ng panahon upang makaroon ng power hookup, makahiram ng puhunan, ang gastusin ng pagluluwas at pang-aangkat ng isang container, at ang pagresolba ng pagkalugi. Ayon sa WB, nagkaroon ng improvement ang Pilipinas sa kategorya ng insolvency, pinuri ang bansa sa pagpapaigting ng regulatory reforms at pagpapaigsi ng mga pamamaraan sa pagsisimula ng isang negosyo. Mayroon pang pagbabago ang maaaring ipatupad ng Pilipinas, ayon sa WB, na nagmungkahi na bawasan nito ang bilang ng mga araw ng pagsisimula ng isang negosyo mula 35 hanggang 20 araw, gawing online ang pagpaparehistro ng negosyo at pagsasatitulo ng lupa, at pahusayin ng legal framework sa mga kolateral.


Sinuri ng WB ang business regulations ng bansa, pati na ang start-up and operations, trading across borders, tax paymnets at insolvency procedures. Ang datos ay ibinase sa mga survey sa mahigit 10,000 propesyunal na nakatutulong sa administrasyon o pagbibigay ng payo hinggil sa legal at regulatory issues sa isang bansa. Lumutang ang Singapore bilang pinaka-business-friendly economiy sa daigdig, na sinundan ng Hong Kong, New Zealand, United States of America, Denmark, Malaysia, South Korea, Georgia, Norway, at United Kingdom.


Ang Manila Bulletin, sa pangunguna ng Chairman of the Board of Directors na si Dr. Emilio T. Yap, President and Publisher Atty. Hermogenes P. Pobre, Executive Vice President Dr. Emilio C. Yap III, Editor-in-Chief Dr. Cris J. Icban Jr., Business Editor Loreto D. Cabañes, iba pang opisyal at kawani, ay bumabati kina Pangulong Benigno S. Aquino III at Vice President Jejomar C. Binay, at ang mga miyembro ng Economic Team, sa kanilang pagsikap na paigtingin ang mga panuntunan at regulasyon upang mapadali ang pagtatayo ng isang negosyo, lumikha ng dekalidad na trabaho, at matamo ang kauntaran ng Republika ng Pilipinas. CONGRATULATIONS AT MABUHAY!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



PILIPINAS, ISA SA PINAKAMAINAM PAGNEGOSYOHAN


No comments:

Post a Comment