Tuesday, November 19, 2013

PDAF iligal – Korte Suprema

IDINEKLARA na ng Korte Suprema na labag sa batas ang kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa ilalim ng 2013 National Budget.


Bukod dito, idineklara rin ng Kataas-taasang Hukuman na labag sa Saligang Batas ang lahat ng legal provision tungkol sa congressional pork barrel sa mga nakalipas na General Appropriations Law gaya ng Countrywide Development Fund, pati na ang mga ginawang congressional insertions sa pambansang pondo.


Iligal din o unconstitutional ang probisyon sa Presidential Decree No. 910, partikular na ang phrases na “and for such other purposes as may be hereafter directed by the president” na nakapaloob sa Section 8 nito na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo para gamitin ang Malampaya Fund sa iba pang proyekto na walang kinalaman sa energy development o energy projects, gayundin ang Section 12 ng Presidential Decree No. 1869 as amend by Presidential Decree No. 1983, partikular na ang phrase sa probisyon na “to finance infrastructure projects.”


Ang PD 910 ay ang batas na nagre-regulate sa lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa energy development habang ang PD 1869 naman ay batas na nagtatakda na ang kita ng gobyerno mula sa casino operations ay gagamiting pondo para sa mga prayoridad na infrastructure project at pagpapaayos ng mga napinsalang pasilidad dahil sa kalamidad. Ang pinagkukunan ng Presidential Social Fund ay mula sa kita ng PAGCOR.


Ayon sa SC, ang kinukuwestiyong probisyon sa ilalim ng PD 910 at PD 1869 ay parehong lumalabag sa principle of non-delegability of legislative powers.


Samantala, idineklara rin ng Korte Suprema na ang temporary injunction na ipinalabas ng hukuman noong Setyembre 10, 2013 ay permanente na.


Dahil dito, permanente na ring pinipigilan ng Korte Suprema ang pagpapalabas o paggamit ng nalalabing PDAF Fund sa ilalim ng 2013 budget, gayundin ang pondo mula sa Malampaya Fund na inilaan sa mga proyektong walang kinalaman sa enerhiya, partikular na iyong mga proyekto na hindi saklaw ng Notice of Cash Allocation kundi SARO lamang.


Samantala, maging ang pagpapalabas ng pondo mula sa Presidential Social Fund na inilaan para tustusan ang priority infrastructure development projects bilang pagtalima sa Section 12 ng PD 1869 as amended by PD 1993 ay pinipigilan din ng korte. Ang pondo na inilaan para sa nasabing layunin ay hindi gagastusin at sa halip ay ibabalik sa general coffers ng gobyerno o sa kaban ng bayan.


Inatasan din ng hukuman ang mga prosecutorial organs ng gobyerno na imbestigahan at usigin ang lahat ng opisyal ng gobyerno na sangkot sa hindi tama o iligal na paggamit ng lahat ng nabanggit na pondo na nasa ilalim ng pork barrel system.


The post PDAF iligal – Korte Suprema appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PDAF iligal – Korte Suprema


No comments:

Post a Comment