Wednesday, November 27, 2013

Para bumango at ‘wag ilaglag ng ABS-CBN, Gretchen nagprisintang maging tindera ng t-shirt sa London

KAPALMUKS din itong si Gretchen Barretto. Pagkatapos niyang balahurain ang kanyang mga magulang at kapatid, nag-i-expect siya na buong puso siyang tatanggapin ng publiko sa gagawin niyang pelikula? Naku, Greta, magpa-survey ka muna kung gaano kabantot ang pangalan mo bago ka maghatid ng malas sa Star Cinema.


Bakit naman kasi kinuha pa ito, eh, marami namang matinong artista ang Kapamilya. Mga artistang may konsensya at respeto sa mga magulang at kapatid.


Kababalik pa lamang ng hitad mula sa London heto’t very proud pang nagpa-interview at ang sabi’y handa siyang tumestigo laban sa kanyang bunsong si Claudine Barretto kung hihingin daw ng korte. Pa’no naman kaya tatanggapin ng korte ang mga sasabihin nito, eh, may ax to grind ito sa kanyang kapatid at pamilya?


Tutulong pa roon sa tangengot na aktor na nakanganga lang nang gisahin sa husgado. Simple English hindi raw maintindihan.


At how true na nagprisinta raw itong sumama sa mga Kapamilya star na pupunta sa London para sa isang benefit show pero hindi bilang performer dahil wala naman itong talent sa singing and dancing kundi magtitinda lang ng t-shirt sa isang tabi habang nagsu-show ang tunay na mga talentadong artista.


Ito ay bahagi raw ng pagsisipsep ng lekat sa ABS-CBN para huwag siyang ilaglag. Tsk! Tsk! Tsk!


Bantayan n’yo lang si La Greta at baka bigla na lang itong magalit at magtaray na naman nang walang dahilan.


***


WALANG BONUS AT CHRISTMAS PARTY DAHIL KAY YOLANDA


TULOY-TULOY ang pananalasa ni super typhoon Yolanda kahit matagal na itong natunaw sa ere. Kahit bumabaha ng tulong mula sa ibang bansa para sa mga biktima, marami pa rin ang nagrereklamo dahil kakapiranggot lang ang naiabot. Ang matindi, ‘yung hindi naman nabiktima ay damay sa pasakit.


Ilan sa mga kaibigan namin ang nagreklamo, wala raw silang bonus, Christmas party at walang selebrasyon para sa Kapaskuhan dahil sa nangyari raw sa Kabisayaan. Rason ng kanilang boss, marami raw kasing humingi sa kanya ng donasyon para sa relief goods. Tama ba ‘yon? Iba naman ang pagtulong sa selebrasyon ng Pasko. Huwag n’yo namang isakripisyo ang isang beses sa isang taong kasiyahan ng mga empleyado dahil lamang sa kuning-kuning na makabagbag damdaming rason na ‘marami kasi ang naghihirap na kababayan’.


Sabi nga, hanapin natin ang saya sa gitna ng kalungkutan. Huwag nating masyadong dibdibin ang lungkot at baka tayo mapraning.


Dalawa po ang bulsa natin, ang isa para sa pagtulong at isa naman ay para sa ating sariling buhay.


***


ALEX AT AARON, MAY ‘FIRST TIME’


FIRST time na magtatambal ang Kapamilya stars na sina Alex Gonzaga at Arron Villaflor sa “Maalaala Mo Kaya” ngayong Sabado (Nobyembre 30).


Bibigyang-buhay nila ang mga karakter ng mag-bestfriend na sina Gel at Marq. Sa gitna ng malapit nilang samahan, hindi namalayan ni Gel na napaibig na siya ng pinakaespesyal niyang ‘boy friend.’


Dapat bang isakripisyo ang pagkakaibigan para sa walang kasiguruhang pag-ibig? Tampok din sa “MMK” ngayong Sabado sina Ingrid dela Paz, Shy Carlos, Pamu Pamorada, Josef Elizalde, Yvez Flores, Ryan Boyce at Annika Gonzales. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Raz dela Torre, panulat nina Arah Jell Badayos at Benson Logronio, at pananaliksik ni Akeem Jordan del Rosario.


Ang “MMK” ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos, production manager na si Roda dela Cerna, at executive producer na si Lindsay Dizon.


Huwag palampasin ang “MMK” tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng “Wansapanataym” sa ABS-CBN.


***

For comments, suggestions & news feed, text me at #09234703506 or email at kuya_abepaul@yahoo.com.


Please listen to DWIZ’s Star na Star program from 2-3 p.m, Monday to Friday. Mabalos!


The post Para bumango at ‘wag ilaglag ng ABS-CBN, Gretchen nagprisintang maging tindera ng t-shirt sa London appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Para bumango at ‘wag ilaglag ng ABS-CBN, Gretchen nagprisintang maging tindera ng t-shirt sa London


No comments:

Post a Comment