Sunday, November 3, 2013

Overstaying Pinoy, ligtas sa aresto

Hindi maaaring arestuhin ang mga overstaying Pinoy na nasa mga temporary shelter sa Saudi Arabia kapag tinugis ang mga ilegal na dayuhang manggagawa sa nasabing bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).



Ayon kay DFA Spokesperson Raul Hernandez, ligtas sa ngayon ang mga Pinoy laban sa posibleng pagdakip sa bisa ng kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Saudi Arabia dahil nakabimbin lang ang pagpoproseso sa immigration requirements ng mga ito.


“Mayroon tayong coordination at arrangement sa Saudi government para sa mga OFW na nasa temporary shelters na inaasikaso na ang kanilang papeles. Ligtas na [sila] sa pag-aaresto. Kasi ang kanilang mga papeles, ipinoproseso na ng government agencies,” sabi ni Hernandez.


Posibleng simulan ngayong Lunes ang pagtugis sa mga illegal foreign worker makaraang linawin ng Saudi Ministry of Labor na hindi palalawigin ang deadline na Nobyembre 3 para sa Saudization policy, taliwas sa kumalat na balita.


Ayon sa pahayag ni Hattab Al-Enezi, tagapagsalita ng Saudi Labor Ministry, naghahanda na ang gobyerno ng Saudi na magpatupad ng crackdown at bumuo pa ng task force mula sa iba’t ibang police unit at security agency. – Bella Gamotea


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Overstaying Pinoy, ligtas sa aresto


No comments:

Post a Comment