Friday, November 22, 2013

Operasyon ng mga korte sa Leyte hindi pa normal

POSIBLENG abutin pa ng ilang linggo bago tuluyang makabalik sa normal na operasyon ang mga hukuman sa Tacloban, Leyte na hinagupit nang husto ng bagyong Yolanda.


Ayon kay Court Administrator Jose Midas Marquez, isa ang Hall of Justice sa Tacloban ang nasalanta nang husto ng bagyo at storm surge dahil malapit lamang ito sa dalampasigan.


Dahil dito, posibleng abutin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago ganap na makapagsimula uli ng operasyon ang mga hukuman sa nabanggit na lungsod.


Sa ibang panig naman ng Leyte, gaya sa Lungsod ng Ormoc, maaari nang makabalik sa operasyon ang mga hukuman, gayundin sa iba pang panig ng lalawigan na hindi naman gaanong napinsala ang courthouses.


Sinabi pa ni Marquez na nakatakda siyang magpalabas ng panuntunan para sa mga hukom kaugnay ng tamang disposition ng mga hawak nilang mga kaso lalo pa’t may mga court records na napinsala dahil sa bagyo.


Sa ngayon, patuloy pa nilang inaalam kung may mga kawani ng hukuman na nasawi o nawawala dahil sa nagdaang kalamidad.


Nitong Lunes, tumulak ang Supreme Court Emergency Response Team sa Leyte para rumesponde sa mga biktima ng bagyo.


Aabot sa tatlong bus na puno ng relief goods ang naipamahagi ng Korte Suprema sa mga typhoon survivor sa nasabing lalawigan.


The post Operasyon ng mga korte sa Leyte hindi pa normal appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Operasyon ng mga korte sa Leyte hindi pa normal


No comments:

Post a Comment