Monday, November 25, 2013

NPA ceasefire, pinalawig ng isang buwan

Matapos tumugon sa panawagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa hinihinging ceasefire, pinalawig ng New People’s Army (NPA) ang tigilputukan sa mga lugar na sinalanta ng super bagyong ‘Yolanda’ sa Visayas.


Sa pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP), sinabing magbibigay sila ng isang buwang extension sa ceasefire para bigyang-daan ang patuloy na relief at recovery operation ng gobyerno sa mga sinalanta ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan sa Eastern at Western Visayas.



Nakasaad pa sa pahayag ng CPP-NPA na tatagal ang ceasefire hanggang sa Disyembre 24.


Una nang idineklara ng NPA na hanggang kahapon, Nobyembre 24, lang ang ceasefire ng kilusan ngunit dahil sa napakalawak na pinsala ng bagyo sa 40 lugar sa Leyte ay pinahaba pa ang tigil-putukan hanggang sa susunod na buwan.


Saklaw ng ceasefire ang mga regional command ng NPA sa Eastern Visayas, Panay, Central Visayas at Negros.


Una nang nanawagan ang gobyerno sa NPA ng nationwide humanitarian ceasefire upang mapadali ang paghahatid ng mga kinakailangang tulong sa mga biktima ng kalamidad.


Panatag naman ang AFP sa nasabing deklarasyon ng NPA dahil anim pang eroplano ang ipapadala ng United Kingdom sa bansa para sa relief efforts.


Lulan sa anim na eroplano ang libu-libong tent, kumot, tarpaulin, at cooking set para sa mga apektado ng bagyong Yolanda.


Inihayag din ni British Prime Minister David Cameron ang karagdagang $48 million (P2 bilyon)— bukod pa sa naunang $23 million (P989 milyon)—na ibibigay sa bansa, alinsunod sa flash appeal ng United Nations para sa Pilipinas. – Fer Taboy


.. Continue: Balita.net.ph (source)



NPA ceasefire, pinalawig ng isang buwan


No comments:

Post a Comment