Wednesday, November 20, 2013

NATULDUKAN

Nang ipasiya ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), natuldukan ang mga protesta hinggil sa pagsasamantala ng administrasyon at ng mismong mga mambabatas sa paglustay sa naturang pondo na tinatawag ding pork barrel. Ang PDAF na sinasabing ugat ng mga katiwalian ay hindi na magiging bahagi ng General Appropriations Act (GAA).



Sa bahaging ito ay maitatanong: Natuldukan din kaya ang political patronage na kakambal ng PDAF? Nalumpo rin kaya ang administrasyon sa pagkontrol ng Senado at Kamara?


Ang PDAF ang makapangyarihang sandata ng administrasyon sa pagsusulong ng makatuturang mga programa sa mga kanayunan at kalunsuran. Hawak ng administrasyon ang gripo, wika nga, upang padaluyin ang mga pondo para sa ibayong pagkontrol sa LGUs (Local Government Units) at sa mga mambabatas. Karaniwang isinasagawa ito sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM). Hindi ba may mga ulat din na ang PDAF ang ginamit na pansulsol sa pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona?


Ngayong iligal na ang PDAF, hindi ako naniniwala na ganap na nalumpo ang administrasyon sa paglalaan ng pondo sa anumang proyekto. Lalo pa itong lumakas sa pagpapanatili ng political patronage. Maraming paraan ng pagpatay ng pusa, wika nga. Sa pamamagitan ng kontrolado nilang mga mambabatas, madali nilang maipatupad ang pinagdududahang congressional insertions sa pambansang badyet. Kawangis din ito ng PDAF sapagkat ang pagpapalabas sa pondo para rito ay dadaan din sa DBM.


Nakalulula ang social fund ng administrasyon para sa pangangailangan ng mga kaalyado nitong LGUs at mga mambabatas. Hindi masasaid ang kinikita ng Pagcor at PCSO sa pagtustos sa mga pangangailangan ng administrasyon. Ang mga ahensiyang ito ang epektibong pansaklolo ng administrasyon sa lahat halos ng sektor ng lipunan, lalo na kung may kalamidad.


Ang pagpapalabas samakatuwid ng mga pondong kawangis ng PDAF ay hindi natuldukan.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



NATULDUKAN


No comments:

Post a Comment