Monday, November 25, 2013

NAKABANGON

Maliban sa mga naghahangad ng pagreretiro ni Manny Pacquiao sa boxing ring, ang sambayanang Pilipino ay nagbunyi sa kanyang panalo kay Brandon Rios. Naidagdag sa kanyang 8th division world championship belt ang bagong WBO International Welterweight title pagkatapos na paulanan niya ng matitinding suntok ang kanyang kalabang Mexican-American sa Macao kamakalawa.



Hindi lamang pagbabalik sa ring ang pinatunayan ng ating Pambansang Kamao – na isa ring Kongresista mula sa Saranggani Province. Ipinamalas niya sa ating lahat, at sa buong daigdig, na siya ay nakabangon mula sa nakaraang dalawang pagkatalo. Lalong tumibay ang kanyang pananalig na magtagumpay, tulad ng kanyang ipinahiwatig pagkatapos ng kanyang laban kay Rios: nakahanda siyang lumaban kahit kanino.


Tayong lahat ay naniniwala na ang tagumpay ni Pacquiao ay nagdulot ng lakas at inspirasyon sa taumbayan, lalo na sa mga biktima ng malagim na super-typhoon Yolanda na buong-paghangang sumubaybay sa naturang labanan. Ngayon pa lamang ay nananabik na sila upang ipagbunyi at makadaupang-palad si Pacquiao na pinaghandugan niya ng kanyang laban; at nangako naman siya na dadalaw sa naturang mga biktima sa Visayas.


Natitiyak ko na sa kabila ng kanyang pagkakapanalo kay Rios, naririyan pa rin ang mga sumisigaw sa pagreretiro ni Pacquiao. Nais nilang ibuhos na lamang ng Pambansang Kamao ang kanyang panahon bilang isang mambabatas. Hindi dapat isabay ang pagbobosking, at iba pang tungkuling pambayan, sa pagbalangkas ng mga batas. Hindi ito makatuwiran at makatarungan sa sambayanan, lalo na sa kanyang mga kababayan sa Saranggani province.


Ang desisyon sa pagreretiro o pamamahinga sa isang tungkulin ay isang personal na bagay. Kung naniniwala si Pacquiao na magagampanan niya ang lahat ng tungkuling nakaatang sa kanyang balikat, siya lamang ang makapagpapasiya; kung ang bawat suntok ng kanyang kalaban ay isang karangalan para sa ating lahat, siya ang masusunod. Mahalaga na siya, at tayong lahat, ay nakabangon sa pananalasa ng mga kalamidad.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



NAKABANGON


No comments:

Post a Comment