Friday, November 22, 2013

MUSICIAN

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT PAANO nga bang mula sa pagiging isang dating tricycle driver ay nagawa ng Filipinong si Jefferson Bibandor na maging parte ng isang bandang ngayon ay nagpapasaya at nagbibigay kulay sa turismo ng isang hotel sa Pattaya, Thailand?


Tubong Gumaca, Quezon si Jeff at ayon sa kanya ay dati siyang matatagpuan sa mga kalsada at kanto ng kanilang lugar kung saan ay madalas siyang tumambay. Kung minsan ay suma-sideline siyang mag-tricycle at magpinta ng mga eskuwelahan upang kumita.


Kung pagtugtog at pagbabanda naman ang pag-uusapan ay tila naging training ground niya noon ang kantong kanyang tinatambayan kung saan ay natuto siyang tumugtog ng gitara. Nasa ganoong kalagayan si Jeff nang dumating ang oportunidad ng pangingibang bayan sa kanya. Ito ay noong himukin siya ng kanyang amang nasa Phuket, Thailand upang subukan din ang buhay roon. Sa edad na 21, pumunta si Jeff ng Thailand, baon ang pag-asang doon niya matatagpuan ang kanyang tagumpay at kapalaran.


Gitarista ng isang banda sa Phuket ang ama niya kaya nahikayat siya nitong mag-aral ng musika at ng pagtugtog ng iba’t ibang instrumento gaya ng baho, bass guitar, keyboard at iba pa.


Bagama’t naging madali para sa kanya ang pakikiangkop sa nasabing lugar sapagkat ayon sa kanya ay mababait naman ang mga tao roon at madaling pakisamahan, tila naging isang pagsubok naman sa kanya na halos isang taon din siyang umasa sa kanyang ama, bago siya nakahanap ng trabaho.


Sa pagiging parte ng isang banda na ang kanyang ama mismo ang nagbuo, dito niya unang natagpuan ang kanyang sarili.


Subalit tila isang bituin na agad na nawalan ng ningning ang naging takbo ng karera ni Jeff bilang parte ng bandang iyon sapagkat minsan lamang silang nakapag-perform sa isang malaking event ng hotel na kumuha sa kanila.


Sa kadahilanan na rin na hindi na gaanong uso ang mga bandang maraming miyembro sa Thailand, nagdesisyon si Jeff na magbuo ng isang maliit na banda lamang. Ito ang naging daan upang mabuo ang duo band na kung tawagi’y The Living Harmony, kung saan ay kasama niya ang isang Filipina.


Sa kasalukuyan ay parte na ng Amari, isang hotel sa Pattaya ang nasabing duo band. Sila ang nagbibigay himig at higit na nagbibigay-kulay sa pananatili ng mga turistang bumibisita roon. Americans, Russians at Turkish – ‘yan ay ilan lamang sa mga lahing pinasasaya ng banda ni Jeff.


“Sipag, tiyaga at pakikisama”- ang tatlong ito ang naging susi ng kanyang tagumpay ayon kay Jeff.


The post MUSICIAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



MUSICIAN


No comments:

Post a Comment