Tuesday, November 5, 2013

MULA POTENSIYAL HANGGANG REALIDAD

(KATAPUSAN)


Napakalaki ng pamilihan sa produktong pagkain, nguni’t napakaliit ng bahagi ng Pilipinas. Ayon sa Wikipedia, ang halaga ng kalakalan sa produktong pagkain sa buong daigdig ay may kabuuang $3.2 trilyon noong 2004; sa America lamang, umabot na sa $1.8 trilyon ang ginugol ng mga mamimili sa pagkain noong 2012.



Ayon naman sa isang ulat ng IMAP Inc., isang pribadong kumpanya, ang sektor ng pagkain at inumin ay aabot sa $7 trilyon sa taong 2014 mula $5.7 trilyon noong 2008.


Gaya ng sinabi ko noong isang linggo, sinisimulan pa lamang nating pakinabangan ang malaking pangangailangan ng pandaigdig na ekonomiya sa mga produktong pagkain. Ang bentahe natin ay mayaman tayo sa materyales para sa paglikha at produksiyon ng produktong pagkain dahil sa ating agrikultura.


Mayaman din tayo sa talento, lalo na sa larangan ng pananaliksik, dahil sa ating mga unibersidad at mga institusyong gaya ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.


Kailangan lamang bigyan ng commercial focus ang direksiyon ng pananaliksik upang makalikha tayong mga produktong makikipagtagisan sa mga produkto ng ibang bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng niyog at mga produktong halaw rito, nguni’t nahuli tayo sa pagsali sa pamilihan ng coconut water.


Ang mga ito ang aking obserbasyon sa Anuga 2013. Nagtungo ako roon bilang isang negosyante, bukas ang mga mata sa mga oportunidad, hindi para sa aking sarili kundi para sa industriya ng produktong pagkain. Bahagi rin ito ng aking adbokasiya sa agrikultura, kung saan umaasa ng ikabubuhay ang ikatlong bahagi ng ating mga manggagawa. Naniniwala ako na ang tagumpay ng industriya ng pagkain, lalo na sa pandaigdig na pamilihan, ay makabubuti rin sa ating mga magsasaka.


Umaasa ako na ang aking mga obserbasyon at mga mungkahi ay makararating sa mga umuugit ng polisiya at programa sa pamahalaan, at maging sa mga institusyon sa pananaliksik at sa mga mamumuhunan upang maging riyalidad ang malaki nating potensiyal sa produktong pagkain.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MULA POTENSIYAL HANGGANG REALIDAD


No comments:

Post a Comment