Tuesday, November 19, 2013

MINAMADALI

Maaaring hindi angkop ang pagkakahawig, pero hindi ba tuwing nakakasaksi tayo ng namamatay ay nakikita rin natin ang mga ahente ng punerarya? Katunayan, nauuna pa ang mga funeral parlor agents sa mga ospital upang mag-abang ng mga pasyente na agaw-buhay na dahil sa matinding karamdaman. Pumipila rin kaya sila sa naghambalang na mga bangkay na biktima ng mga kalamidad?



Ang ganitong nakakikilabot na situwasyon o morbid scene ay minsan pang naglantad sa mga panukala hinggil sa mahigpit na pagbawal sa mga funeral agents sa mga ospital. At lalong hindi dapat pahintulutan ang mga funeral parlor na mistulang

nag-oopisina sa mga pagamutan.


Masyadong ipinanggalaiti ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagsasamantala ng mga ahente ng punerarya nang siya ay nanunungkulan pa. Mahigpit niyang inatasan ang direktor ng Ospital ng Maynila – at ng iba pang pagamutan ng siyudad – na pagbawalan ang naturang mga ahente sa pakikipagkontrata sa pamilya ng mga pasyente.


Naging biktima kami ng ganitong pagmamalabis nang maospital ang aking kapatid sa isang pagamutan sa lungsod. Naghihingalo pa lamang ang aming pasyente, nilapitan na ako ng isang funeral agent at inalok ng kanilang serbisyo. Marahil ay naulinigan niya ang usap-usapan ng mga doktor na wala nang remedyo ang sakit ng aming kapatid. Kung hindi makapagtitimpi ang sinuman sa ganitong eksena, hindi kaya mas mauuna pang mamatay ang ahente kaysa sa mismong pasyente?


Mabuti na lamang at ang naunang pagsisikap ni Mayor Lim ay paiigitingin ng isang panukalangbatas na inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo tungkol sa total ban ng mga funeral parlor agents sa mga ospital sa buong bansa. Nagtatadhana ito ng parusa sa mga may-ari ng funeral parlor at sa kanilang mga ahente, kabilang na ang kanilang mga kasabwat sa mga paggamutan na kasangkot sa pagpapapirma ng funeral service contract.


Ang pamilya ng mga pasyente ay marapat lamang igalang sa pagpili ng funeral service para sa kanilang mahal sa buhay kapag dumating na ang pangangailangan. Dahil sa masamang sistema ng mga funeral parlor agent, mistulang minamadali nila ang kamatayan ng mga pasyente.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MINAMADALI


No comments:

Post a Comment