Friday, November 15, 2013

Mga truck na naghahatid ng relief goods, kulang—Mar

Matapos umamin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi nila napaghandaan ang bagsik ng bagyong ‘Yolanda,’ inihayag naman ni Secretary Mar Roxas na lubhang malaki ang pangangailangan para maihatid ng mga truck ang relief goods sa mga naapektuhang lungsod at mga bayan.



Sinabi ni Roxas na may 10 truck lang ang kanilang nagagamit sa paghahatid ng relief goods sa may 40 bayan sa Leyte at Samar, bukod pa sa Tacloban City.


Kinumpirma din kahapon ng Kalihim na umabot na sa 30 sa 40 bayan sa Leyte ang napagkalooban na nila ng relief goods.


Inamin ni NDRRMC Executive Director Eduardo Del Rosario na hindi nila napaghandaan ang bagyong ‘Yolanda’.


Gayunman, umapela si Del Rosario ng pang-unawa sa mga nawalan ng mahal sa buhay, nasiraan ng mga ari-arian at patuloy na nagugutom.


Dumagsa na ang relief goods sa Tacloban City subalit kulang ang mga truck na naghahatid at umaasa ang gobyerno na madadagdgan ang mga truck sa oras na dumating mula sa Metro Manila.


Sinisimulan na rin ang fullblast recovery sa mga bangkay upang mapawi ang pangamba sa kalusugan ng mga residente.


Kinumpirma pa ni Roxas na umabot na sa halos 3,000 katao ang nasawi sa super typhoon ‘Yolanda’ sa Eastern Visayas at Western Visayas.


Sa panayam kay Roxas, nanguna sa pamamahagi ng relief goods sa Tacloban City, inihayag nito na batay sa kanyang report na natanggap mula sa Office of Civil Defense na umabot na sa mahigit 2,600 ang nasawi.


Una nang pinasinungalingan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na may 10,000 na ang nasawi sa nasabing kalamidad.


Tiniyak pa ni Roxas na nagsisimula na ang mass grave sa mga nasawi upang maalis na ang mabahong amoy at pagkakasakit ng mga residente.


Ayon kay Roxas, pinoproseso ang mga labi bago ito ilibing, kabilang dito ang pagkuha ng mga litrato, ID, fingerprints at mamarkahan ang lugar na pinaglagakan nito.


Nasa 900 PNP at mahigit na 1,100 AFP personnel ang umaayuda sa mga operasyon.


Bukod sa rescue at relief operation, tututok ang mga ito sa pagpapanatili ng peace and order. – Fer Taboy


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Mga truck na naghahatid ng relief goods, kulang—Mar


No comments:

Post a Comment