Wednesday, November 13, 2013

MAY BÁLAT

Parang sunod-sunod na bangungot ang ibinalik sa ala-ala ng sambayanan pagkatapos ng hambalos ni “super typhoon” Yolanda. Ito kahit hindi pa nakaka-ahon sa ngayon ang Bohol, Cebu atbp. sa huling pahina ng sakunang idinulot ng malakas (itinalang 7.2) na lindol sa Gitnang Bisayas. Parang nagugunita natin ang ganitong mga kaganapan noon. At natataon, kung matatandaan, sa dekada ulit ng isang kapamilya — Pangulong Cory Aquino.



May bálat ba o kung anong kamandag ang pamahalaan ni PNoy? Hindi ba magkahalintulad din ang “bagyong”, dumating sa Pilipinas kung ihahambing sa kay Cory si PNoy – kapalpakan, salanta, baha, at kung ano pang mga kamalasan. Pati langit, mukhang ipinagkakait ang mabuting bas-bas nito, dahil nga sa ang nakaluklok ay tulad sa panahon ng Kastila na sobrang nagmamalinis; hindi ba may mga tinig, magpahanggang ngayon, na gawing Santo si Cory? Habang ang kanyang supling ay pumutak na “Hindi magnanakaw”. Kataka-taka ang biglang pangingitlog ng manok, kaya siguro maingay! Eto na nga sa gitna ng 3 Senador na – Chiz Escudero, Grace Poe, at Koko Pimentel na nag-utos tanggalin ang kanilang “pork barrel” o halos P600M piso, ay heto si PNoy nagmamatigas pa din dahil hindi siya naniniwala na masamang tanganan ng iisang tao, kahit pangulo pa, ang halos P1 Trilyong pisong pondo dahil anghel siya.


Nakakalungkot, dahil sa kanyang paimbabaw, naging huling tala ng British Broadcasting Corporation (BBC) at ng Cable News Network (CNN), tinatayang mga 10,000 ang namatay sa ipinagmamalaking “kahandaan” ng pamahalaan sa bagyo. Totoo bang matindi ang sang-sang ng “kamatayan” sa Tacloban? Tantsa ng mga eksperto, mga 9M populasyon ang na-apektuhan ni Yolanda. Sa kasalukuyan, hindi pa nasusuma ng gobierno ang kabuuang halaga – multi-bilyong pisong kaya? – ang winasak na kabahayan, negosyo, taniman atbp. ni Yolanda. Napakaswerte ba kaya ng Pilipinas sa pamilyang ito dahil, muli may Bagyong Zorayda na darating? Tuloy mapapatigil ka at makakapag-isip kung ano bang bulong o buhawi ang ipinukol sa ating bansa dahil sa buwan ng Nobyembre, dapat tapos na ang panahon ng tag-ulan. Pati kwentong-kutsero sa hindi daw pagpayag sa pagkalibing ng labi ni Pangulong Marcos, handa ko na patulan. Dahilan bakit sinakluban ng dilim, mahal kong bayan?


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MAY BÁLAT


No comments:

Post a Comment